top of page
Search
BULGAR

Nawalan ng trabaho, tulog nang tulog… IBINUKING NI LIZA: ICE, 18 YRS. NANG DEPRESSED

ni Janiz Navida - @Showbiz Special | June 11, 2022



Mula year 2004 pa pala nag-umpisang makaranas ng depression ang magaling na singer na si Ice Seguerra.


At sa isang panayam sa misis niyang si FDCP Chairwoman Liza Diño-Seguerra, naikuwento nito ang matinding pinagdaraanan ni Ice sa kanyang depresyon.


Ani Chair Liza, may mga times na gusto ni Ice na tulog lang nang tulog at 20 hrs. itong tulog. Gusto rin daw nitong madilim lang ang kuwarto nila.


Kawalan ng trabaho ang sinabi ni Chair Liza na dahilan ng depression ni Ice. Sanay nga naman ang kanyang mister na 3 yrs. old pa lang ito ay nagtatrabaho na. Kaya malaking dagok nga naman kay Ice lalo na nang dumating ang pandemic na nawalan ito ng mga shows.


Ang nakakabilib sa mag-asawa, hindi nila ikinahihiya ang pinagdaraanan ni Ice, bagkus, gusto nilang maging inspirasyon ito sa mga katulad ng singer na dumaraan sa depression.


Kaya naman, pumayag si Ice na mai-feature ang tungkol sa depression niya sa documentary na kasama sa mga ipapalabas sa Healthy Pilipinas Short Film Festival (HPSFF) na magaganap sa darating na Hunyo 24, 2022 sa Shangri-La Plaza Red Carpet, Ortigas.


Magkakaroon din ng online screening mula June 25-26, 2022.


Ang festival ay ipinakilala ng FDCP at DOH sa mga miyembro ng press sa isang virtual launch noong ika-7 ng Hunyo, 2022.


Ang Film Development Council of the Philippines (FDCP) at Department of Health (DOH) ay nagsanib-puwersa upang ilunsad ang Healthy Pilipinas Short Film Festival (HPSFF) sa adhikaing makapagsulong ng mas malusog na bansa.


Ang Healthy Pilipinas ay isang communication campaign na pinangungunahan ng DOH at naglalayong makahikayat sa mga Pilipinong isabuhay ang mga positibong gawi upang maiwasan ang pagkahawa at pagkalat ng sakit.


Sinimulan ng DOH ang pakikipagpulong sa FDCP tungkol sa film festival noong isang taon bilang pagkilala sa bisa at inam ng short films bilang medium sa pagpapaabot ng kaalaman sa mas maraming manonood.


Anim na filmmakers mula sa iba’t ibang panig ng bansa ang inatasang lumikha ng mga pelikulang hindi hihigit sa 17 minuto na maglalahad ng iba-ibang mga health issues.


Ang anim na itatampok na filmmakers ay mula sa Pampanga, Cebu, Cagayan de Oro,

Zamboanga, at Metro Manila. Isinusulong ng proyektong ito 'di lamang ang malusog na pamumuhay para sa mga Pilipino kundi pati ang pagtatanghal sa talento ng mga Pilipinong filmmakers.


Ang mga sumusunod na short films ay magtatampok ng healthy habits gaya ng malusog na pangangatawan at pagkain, masinop na pamumuhay, mental health, ligtas na pagtatalik, at mga hakbang pangkaligtasan:


Ang Paboritong Pinggan ni Nanay ni Carlo Catu

Child’s Play ni Julienne Ilagan

Brand X ni Keith Deligero

Llegada nina Ryanne Murcia at Zurich Chan

Life on Moon ni Sheron Dayoc

Dito Ka Lang ni Ice Seguerra


Matapos ang opening ceremony ay magkakaroon ng dalawang araw na online screenings at panel discussion kasama ang ilang piling health experts at mga celebrity moderators.


Abangan ang mga karagdagang detalye tungkol sa online screenings at opening ceremony sa FDCP’s social media pages.


0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page