ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | September 20, 2020
Salaminin natin ang panaginip ni Dollie na ipinadala sa Facebook Messenger.
Dear Professor,
Nag-aalala ako sa panaginip ko dahil napanaginipan ko na nawala ang panlasa ko. Uminom ako ng kape, tapos nang kakain na ko ay wala na akong panlasa. Ano ang ibig sabihin nito? Sa totoo lang, natatakot ako.
Naghihintay,
Dollie
Sa iyo, Dollie,
Nakakatakot ang panaginip mo dahil iniisip mong magkaka-COVID-19 ka. Dahil ang sabi ng mga doktor, isang sintomas ng COVID-19 ay ang kawalan ng panlasa.
Pero hindi naman lahat ng nawalan ng panlasa ay COVID-19 na ang dahilan. Minsan, kapag marumi ang dila o taste buds, gayundin, ang matinding sipon ay nagreresulta sa kawalan ng panlasa.
Kaya lang, sa mga araw na ito na uso ang COVID-19, kapag nawala ang panlasa, mas malamang na may sakit ka. Pero alisin mo ang iyong takot at pangamba dahil sa mundo ng pag-aanalisa ng mga panaginip, may alituntunin na nagsasabing kapag naganap na sa panaginip, hindi na mangyayari sa tunay na buhay.
Minsan, mahirap paniwalaan, pero ito ay mas madalas na totoo. Ang ilang halimbawa ay kapag ikinasal sa panaginip, hindi pa ikakasal sa tunay na buhay.
Kapag nagka-anak o nabuntis sa panaginip, hindi pa mabubuntis sa reyalidad dahil muli, kapag naganap na sa panaginip hindi na magaganap sa tunay na buhay.
Hanggang sa muli,
Professor Seigusmundo del Mundo
Kommentare