ni GA @Sports | August 16, 2023
Nauumayan sa exhibition fights ang nag-iisang eight division World champion na si Manny “Pacman” Pacquiao matapos kumpirmahin ni long-time boxing coach at Hall-of-Famer trainer Freddie Roach ang planong magbalik laban ito sa professional fight.
Nauna nang ibinunyag ang nakatakdang exhibition match ng 44-anyos na Filipino boxing legend kontra kay kickboxing icon Sombat “Buakaw” Banchamek sa isang boxing exhibition match na nakatakdang ganapin sa Enero 2024 sa Thailand. Subalit, tila isang daan lamang ito patungo sa inaabangang pagbabalik sa totoong bakbakan sa ibabaw ng ring.
“I’m coming back,” pangiting pahayag ni Pacquiao sa ambush interview ng 210 Boxing TV matapos manood ng laban nina undisputed welterweight kingpin Terrence “Bud” Crawford at Errol Spence Jr. nitong nagdaang Hulyo 29 sa T-Mobile Arena sa Las Vegas, Nevada sa Amerika. “I have a special fight for a tune-up for recovery,” dagdag ni Pacquiao ng matanong ang susunod na makakalaban.
Sa isa namang panayam ng Boxing Social sa YouTube channel, inamin naman ng 63-anyos na American trainer na nagawa niyang makausap sa telepono ang kanyang prize-fighter upang iparating ang patuloy na kagustuhang sumabak sa ibabaw ng ring para sa sinabi nitong “totoong laban.” “I talked to Manny on the phone and he said he wants to fight one more time. He does.
He wants a real fight,” pahayag ni Roach, kasunod ng huling pagkatalo ng dating Senador kontra Yordenis “54 Milagros” Ugas sa 12-round unanimous decision para sa World Boxing Association (Super) 147-pound title nung Agosto 21, 2021. “I haven’t let him choose anyone yet. But it’s just, his heart, he wants one more fight.”
Comments