ni Dr. / Atty. Erwin P. Erfe, M.D. @Sabi ni Doc | February 6, 2023
Sa nakaraang dalawang artikulo ng Sabi ni Doc, tinalakay natin ang Naturopathic Medicine at ang iba’t ibang uri ng pamamaraan na ginagamit ng mga Naturopathic doctors sa paggamot ng hypertension o high blood pressure.
Habang tinatalakay natin kung paano ginagamot ng mga naturopathic physicians ang high blood pressure, nakatanggap ang Sabi ni Doc ng e-mail kay Laura, isang masugid na tagasubaybay ng ating kolum.
Nais malaman ni Laura kung may natural na paraan upang magamot ang kanyang migraine o kung paano makakaiwas dito. Gayundin, kung may pamamaraan ba ang mga naturopathic practitioners laban sa migraine? Ayon kay Laura, ang kanyang migraine ay nagaganap tuwing mayroon siyang menstruation. Bagama’t may iniinom siyang mga gamot sa migraine na inireseta ng kanyang doktor, nais niyang pag-aralan ang mga natural na paraan upang maiwasan ang pag-atake ng migraine.
Ayon sa isang pag-aaral, kung saan ang resulta nito ay inilathala noong 1989 sa scientific journal na ang headache ay nakita ng mga researchers na mababa ang level ng magnesium sa utak ng mga individual na may migraine. Ganito rin ang resulta ng isa pang pag-aaral noong 2001 sa mga indibidwal na may migraine at cluster headaches.
Noong 2002, isang artikulo sa neurology medical journal ang nagpakita rin na mababa ang level ng magnesium sa utak ng mga may severe migraine na may kasamang neurological symptoms.
Dahil sa resulta ng mga nabanggit na pananaliksik, nagkaroon ng mga double-blind placebo-controlled study, kung saan pinag-aralan nila ang epekto ng magnesium sa mga indibidwal na may migraine. Ayon sa mga researches na inilathala noong 1991, 1996, 2002 at 2008, dahil sa pag-inom ng magnesium supplement ay nabawasan ang dalas ng pag-atake ng migraine at nabawasan din ang tindi ng sakit ng migraine.
Tandaan lamang na ang kadalasan na side effect ng pag-inom ng magnesium ay diarrhea o pagtatae. Maaari ring magkaroon ng mas matindi pang adverse effect tulad ng muscle weakness at hirap sa paghinga. Kinakailangan na sundin ang suggested dose ng manufacturer ng magnesium supplement at inumin ito ayon sa suggested dose ng manufacturer o ng inyong doktor.
Sa isang systematic review na isinagawa ng Southwestern Oklahoma State University na isinapubliko noong August 2017 sa Journal of Clinical Pharmacy and Therapeutics, nakita sa limang clinical trials kung saan sinaliksik ang epekto ng Vitamin B2 o Riboflavin bilang prophylaxis laban sa migraine na epektibo ang pag-inom ng Vitamin B2 o Riboflavin supplement upang mabawasan ang dalas ng pag-atake ng migraine.
Sa isang pag-aaral na isinagawa sa Humboldt University sa Berlin, Germany, nabawasan ang dalas, tagal at tindi ng sakit ng migraine headache ng mga research participants matapos uminom ng 400 milligrams of Vitamin B2 o Riboflavin araw-araw sa loob ng tatlo hanggang anim na buwan. Nabawasan din ang dalas ng pag-inom ng mga gamot laban sa migraine dahil sa pag-inom ng Vitamin B2 supplements. Ang resulta ng research na ito ay inilathala sa European Journal of Neurology noong July 2004.
Ang isa pang supplement na ginagamit ng mga naturopathic physicians ay ang ubiquinone o Coenzyme Q10 (CoQ10). Ang CoQ10 ay natural substance na ginagamit ng mga cells sa ating katawan upang gumawa ng enerhiya para gamitin nito.
Sa isang open label controlled trial study, kung saan sinaliksik ang effectiveness ng CoQ10 bilang prophylaxis sa migraine, ang pag-inom ng 100 milligrams ng Coenzyme Q10 supplement araw-araw ay nakabawas ng dalas (frequency) at tagal (duration) ng pag-atake ng migraine. Nabawasan din ang tindi (severity) ng sakit ng migraine.
Inilathala ang resulta ng pag-aaral na ito sa scientific journal na Acta Neurologica Belgica noong March 2017.
Sana ay nasagot ng Sabi ni Doc ang mga katanungan ni Laura sa kanyang e-mail.
Maraming Salamat sa inyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan. Kung may mga katanungan pa, mag-email lamang sa Sabi ni Doc sa e-mail address na erwin.erfe@gmail.com o sa doc.bulgar@gmail.com
Comentarios