top of page
Search
BULGAR

Natural supplements para sa depression at anxiety

ni Dr. / Atty. Erwin P. Erfe, M.D. @Sabi ni Doc | Dec. 24, 2024




Dear Doc Erwin, 


Ako ay isang college student sa isang pribadong unibersidad. Nu‘ng nakaraang taon ay na-diagnose ako na may depression at anxiety disorder. Sa kasalukuyan ay umiinom ako ng mga gamot na inireseta ng aking doktor. Bagama‘t epektibo naman ang mga gamot na aking iniinom, nais ko sanang malaman kung may mga pagkain o natural supplements na maaari kong inumin upang mabawasan ang aking depression at anxiety. — Alexandra


 

Maraming salamat Alexandra sa iyong pagliham at pagsubaybay sa Sabi ni Doc at BULGAR newspaper.


Sa isang clinical trial na pinangunahan ni Dr. Sue Penckofer ng Loyola University Chicago nakitaan ng pag-improve ng depression at anxiety ang mga study participants matapos bigyan ng Vitamin supplement sa loob ng anim na buwan. Inilathala ang resulta ng pananaliksik na ito sa Journal of Diabetes Research noong September 7, 2017.


Mas malaki naman ang improvement ng depression sa mga umiinom ng gamot na antidepressant kung sabay na umiinom din ng Vitamin D supplement kumpara sa mga umiinom lamang ng gamot na antidepressant. Ito ang naging resulta ng isang pananaliksik na inilathala noong October 17, 2011 sa International Journal of Geriatric Psychiatry.


Ang Magnesium at L-Theanine supplements ay makakatulong din sa anxiety. Sa isang systematic review sa University of Leeds sa United Kingdom sa pangunguna ni Dr. Neil Bernard Boyle at inilathala sa scientific journal na Nutrients noong April 26, 2017, may positibong epekto sa anxiety ang pag-inom ng Magnesium supplement. 


Ang green tea at black tea ay may sangkap na panlaban sa anxiety. Ang sangkap na ito na tinatawag na L-Theanine ay nakakatulong laban sa anxiety sa pamamagitan ng pagpapababa nito ng stress response at cortisol level. Ito ang naging resulta ng pag-aaral nina Dr. David White ng Centre for Human Psychopharmacology sa Swinburne University of Technology sa bansang Australia. Makikita ang pag-aaral na ito sa journal na Nutrients, na inilathala noong January 19, 2016.


Bagama‘t ang mga nabanggit na natural supplements ay karaniwan nating iniinom, mas makakabuti na sumangguni sa iyong doktor upang malaman ang tamang dosage na iinumin at kung ang mga ito ay maaaring inumin kasama ng iniinom mong mga gamot.

Maraming salamat muli sa iyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan.


 

Maraming Salamat sa inyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan. Kung may mga katanungan pa, mag-email lamang sa Sabi ni Doc sa e-mail address na erwin.erfe@gmail.com o sa doc.bulgar@gmail.com

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page