top of page
Search
BULGAR

Natural na paraan para labanan ang pananakit ng ulo

ni Justine Daguno - @Life and Style | July 9, 2020




Ang headache o pananakit ng ulo ay isa sa mga problema na madalas na nararanasan ng karamihan sa atin.


Ayon sa pag-aaral, maraming dahilan kung bakit nakararanas ng pagsakit ng ulo ang tao — dahil sa sobrang pagtatrabaho o stress, sintomas ng iba pang sakit at iba pa. Ngunit ang pangunahing dahilan sa problemang ito ay ang pamumuhay o lifestyle ng tao.


Well, para sa mga iba r’yan na halos i-maintenance na ang pain reliever, alam n’yo ba maaari nating masolusyunan ang pananakit ng ulo nang hindi na umiinom ng gamot?

Narito ang ilan sa mga paraan upang masolusyunan ang headache sa natural na paraan:

1. PALAGING UMINOM NG TUBIG. Ang dehydration ay isa sa mga dahilan ng pagsakit ng ulo sapagkat ang sapat na tubig sa katawan ay kailangan upang makadaloy nang maayos ang oxygen sa dugo papunta sa utak. Kapag nararamdaman ng pananakit ng ulo, maaaring indikasyon ito na kailangan natin ng karagdagang tubig sa katawan. Ilan pa sa mga sintomas ng dehydration ay kawalan ng konsentrasyon at pagiging iritable.

2. PAGKONSUMO NG CAFFEINATED NA INUMIN. Maaari ring instant relief sa pananakit ng ulo ang pag-inom ng mga caffeinated na inumin tulad ng tsaa at kape. Ang caffeine ay mahusay sa pagkontrol ng mood swings at nakatutulong din ito upang tumaas ang alertness level ng tao. Sa ibang pagkakataon, ang sobrang pagkonsumo ng caffeine ay maaaring magdulot ng pagsakit ng ulo, kaya dapat ay sakto o moderate lang ang gawin natin.

3. PAGKAKAROON NG SAPAT NA PAHINGA. Tulad ng ating nabanggit, ang sobrang pagtatrabaho o stress ang karaniwang sanhi ng pagsakit ng ulo. Ang pagkakaroon ng sapat o 7 hanggang 9 na oras ng pagtulog ay mahalaga upang manatiling kalmado ang ating isipan sa mahabang oras na tayo ay gising o may ginagawa.

4. ACUPUNCTURE. Makakatulong ang acupuncture upang maayos ang daloy ng dugo sa ating katawan. Ito ay paraan na hindi hamak na mas epektibo at wala ring side effects kumpara sa mga gamot. Bagama’t wala pang tiyak na pag-aaral na panggamot ito sa mga chronic headaches, may mga nakapagpatunay naman na may magandang benepisyo ito sa acute migraines.

5. PAGGAMIT NG COLD COMPRESS. Ang paggamit ng cold compress ay isa rin sa mga natural na paraan upang mawala ang pananakit ng ulo. Makatutulong ang paggamit nito upang mabawasan ang anumang inflammations.

6. PAGPAPAHID O PAGLALAGAY NG ESSENTIAL OILS. Epektib din na pantanggal ng sakit ng ulo ang pagpapahid ng mga essential oil tulad ng peppermint at lavender oil. Ang mga ito ay may natural na sangkap na nakaka-relax o nakakapagpakalma.

Ilan lamang ang ating mga nabanggit sa mga natural na paraan upang maiwasan o malunasan ang simpleng pananakit ng ulo. Pero ang pananakit ng ulo ay maaaring sintomas ng iba pang sakit, kaya kung ito ay dumadalas at may iba pang nararanasan bukod dito, makabubuti na ipakonsulta ito sa doktor. Oks lang mag-alternative lalo na kung epektib, pero tandaan na iba pa rin ang sigurado kaya magpakonsulta pa rin sa mga eksperto. Gets mo?!

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page