top of page
Search
BULGAR

Natupad na pangarap ng aking ama

ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | January 20, 2023


Napakaraming pangarap ng aking ama noong siya ay nabubuhay pa hindi lang para sa kanyang sarili, kung hindi para sa mga taga-Cavite at isa rin ito sa dahilan kaya siya pumalaot sa pulitika at naging Senador.


Kilala bilang artista ang aking ama na si Ramon Revilla, Sr. at kilala rin siya sa pagiging likas na matulungin sa kanyang mga katrabaho sa paggawa ng pelikula, kaya hanggang sa nagpasya na itong tumakbong Senador.


Marami ang umiidolo sa aking ama, ngunit higit sa lahat ay ako, kaya mula sa pagiging artista hanggang sa pagiging pulitiko ay sinusundan ko ang kanyang yapak, lalo na sa walang tigil niyang pagtulong sa mga nangangailangan.


Isa sa kanyang pangarap noong siya ay nabubuhay pa ay ang magkaroon ng maayos na ospital ang Lalawigan ng Cavite na puwedeng ihanay sa mga de-kalidad na pagamutan sa bansa kaso ang naging problema ay ang gagamiting lupa na pagtitirikan ng mga gusali ng ospital.


Dahil sa sinserong pangarap ng aking ama ay sariling lupa niya ang kanyang inihandog na sumailalim sa legal na proseso ang isinagawang donasyon na ngayon ay kinatitirikan na ng Southern Tagalog Regional Hospital (STRH) sa Bacoor City.


Noong Martes ng alas-4 ng hapon ay pinasinayaan ang bagong apat na palapag na gusali na tinawag na Ramon B. Revilla, Sr. Bldg. na bahagi ng patuloy na pagsasaayos upang marating ang pangarap ng aking ama na mapaganda pa ang naturang pagamutan.


Dumalo sa naturang pagtitipon si Department of Health (DOH) Acting Secretary Dr. Maria Rosario Vergeire, Bacoor City Mayor Strike Revilla, Cavite 2nd District Representative Lani Mercado-Revilla, Agimat Party List Rep. Bryan Revilla at Cavite Governor Jonvic Remulla.


Paggupit ko mismo ng ribbon bilang hudyat na bukas na ang naturang gusali ay naulinigan ko ang palakpakan ng mga nagsidalo at biglang-bigla ay nanumbalik ang alaala sa aking ama na bago siya lumisan ay kabilin-bilinan niyang ayusin ang naturang pagamutan.


Dahil sa karagdagang gusaling ito ay tiyak na magiging maayos na ang Admitting Section, Medical Records, Malasakit Center at Philhealth bukod pa sa pharmacy at laboratory na lubhang kailangang upang hindi na lumayo pa ang mga pasyente.


Bahagi ng ribbon cutting ay nagbigay ng mga pahayag ang mga nagsidalong guests at nang ako na ang magbibigay ng maikling pananalita ay wala naman akong nasabi kung hindi ang pasasalamat at umikot na lamang ang aking mensahe kung paano pa pagandahin ang naturang pagamutan.


Hindi lang ako ang nakaprograma ang kaisipan na mas lalo pang pagandahin ang sinimulang pagamutan na ito dahil parang naging panata na ito ng aming buong pamilya na mas lalo pang paunlarin at pagandahin hindi lang ang pasilidad kung hindi maging ang serbisyo.


Bukod sa naunang pondo na inilaan para maitayo ang STRH ay naglaan din tayo ng panibagong pondo para sa taong ito na P60 milyon para sa pasilidad at P110 milyon din para naman sa karagdagan pang pasilidad na umabot ng kabuuang P170 milyon.


Kaya maisasakatuparan na makumpleto ang mga pangunahing pasilidad, tulad ng MRI, Dialysis Machine, C-ARM X-ray, Ultrasound Machine, Cardiotocogram Machine/Fetal Monitor, Infant Incubators, 2d Echo, Echocardiography table, Cardia Monitor with Central Monitor System, Anesthesia Machine with Cardiac Monitor and Capnograph, Defibrillators with adult and pediatrics paddles, Electrocardiogram Machines, Suction Machines, IV Infusion Pumps, Syringe Pumps at Service/Transport Vehicles.


Dahil sa mga bagong kagamitan na ito ay mas makapagbibigay ng maayos na serbisyo ang ating mga doktor at nurses, lalo na sa dialysis dahil magkakaroon na rin ng dialysis center.


Napakataas ng bilang ng mga taga-Cavite na nagtutungo pa sa Maynila o iba pang pagamutan para lamang sumailalim sa dialysis at dahil sa magkakaroon na nito sa STRH ay malaking ginhawa ito sa mga taga-Cavite na may pasyenteng kailangang isailalim sa dialysis.


Tama talaga ang naging pananaw ng aking ama, na dapat bigyang-prayoridad ang kalusugan ng ating mga kababayan kaya buong pagsisikap nating pinagaganda pa ang STRH hanggang sa serbisyo.


Sana lang maging ang DOH ay magbigay din ng kahit na anong puwede pang makadagdag para mas maitaas pa ang standard ng STRH upang mas mapabilis na marating pa ang pangarap ng mga taga-Cavite na magkaroon ng maayos na pagamutan.

Kaya nga nabanggit ko rin si Pangulong Ferdinand ‘BongBong’ Marcos Jr. (PBBM) sa huling bahagi ng aking mensahe na baka mabigyang pansin na matulungan pang mapadali ang mga kakulangan pa ng naturang pagamutan para mas makapagbigay na ng kumpletong serbisyo.


Tiyak na tuwang-tuwa ang Daddy, saan man siya naroon dahil naisakatuparan ang layon niya sa donasyon niyang lupa at patuloy pa itong lumalago at gumaganda pati ang serbisyo.


Anak Ng Teteng!

 

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page