ni MC - @Sports | July 02, 2021
Magaganap muli ang kompetitibong karera na kukumpleto sa 1-2 punch laban sa pandemic sa pagsasagawa ng PhilCycling National Trials for Road sa Hulyo 10 at 11 sa Clark Freeport and Special Economic Zone sa Pampanga.
Matapos ang matagumpay na pagsasagawa ng National Mountain Bike Trials sa Danao City, Cebu noong Hunyo 11 hanggang 13, pagkakataon naman ng mga road cyclist na sumabak sa aksiyon sa pagtutulungan ng PhilCycling, Standard Insurance, Smart, MVP Sports Foundation, Bases Conversion Development Authority pati na ang Clark Development Corporation.
“Competitive cycling’s been out for more than one and a half years now, but we’re back to racing, thanks to private sector’s support and the government’s endearing effort to beat the pandemic through sports,” sabi ni Philippine Olympic Committee (POC) and PhilCycling President Rep. Abraham “Bambol” Tolentino.
Kinailangan ng PhilCycling na masiguro ang pagpayag ng Philippine Sports Commission gayundin ang importanteng permiso sa Central Luzon (Region 3) Regional Task Force, Office of Civil Defense, Department of Health, Philippine National Police, Province of Pampanga at Department of Tourism para sa karera na isasagawa sa bubble set-up.
Paglalabanan ang men at women's Individual Time Trial at ang Criterium sa Hulyo 10 at ang Road Race sa Hulyo 11. Lahat ng kalahok na siklista, race officials, staff at iba ay isasailalim sa isang RT-PCR at Antigen tests base sa mga nakatakdang health protocols mula sa POC Medical Director sa pamumuno ni Dr. Jose Raul Canlas.
Mataas ang antisipasyon sa pagbabalik ng road cycling na nakakuha din ng suporta mula sa Go for Gold, Chooks-to-Go at iba pang tagapagtaguyod. Ang mga race official, organizer at staff ay tutuloy sa Quest Hotel Plus Conference Center, habang ang mga siklista ay babalik sa kanilang mga bahay matapos ang awarding ceremonies ng kanilang events.
Ang Clark Parade Grounds ang magsisilbing start at finish venue. Ang ITT races ay tatahak sa 24.6 kms para sa men at 18 kms sa women, habang ang criterium ay iikot sa 2.3-km circuit sa Clark Parade Grounds, ang road races ay iikot din sa 24.6-km loop na anim na laps para sa men at apat na laps para sa women.
Comments