top of page
Search
BULGAR

National security, nalagay sa peligro dahil sa kapalpakan ng sistema sa NAIA

ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | January 13, 2023


Hindi dapat maulit pa ang nangyari noong January 1 sa Ninoy Aquino International Airport kung saan libu-libong biyahero ang naapektuhan hanggang ngayon dahil sa technical glitch.


Hindi katanggap-tanggap para na makitang nakahiga na lang kung saan-saan sa airport ang ating mga kababayan, napipilitang gumastos muli upang kumuha ng panibagong tickets at nag-aalalang OFWs na baka mawalan ng trabaho dahil hindi nakabalik agad sa kanilang pinagtatrabahuhang bansa. Mas lalong hindi katanggap-tanggap na nailagay sa peligro ang ating national security dahil sa ‘technical glitch’.


Huwag natin ipahiya ang bansa. Napakalaki ng epekto nito hindi lang sa mga pasahero, kundi may implikasyon rin sa negosyo, sa turismo at sa buhay ng bawat Pilipino.


Saksi tayo na pinaghirapan ng Duterte Administration na mapaganda ang ating air transport system. Bukod sa Communications, Navigation, and Surveillance Air Traffic Management o CNS-ATM na sinimulan nating gamitin noong 2019, ang pamahalaan ay nagtayo rin ng mga bagong airport at mas pinaganda ang mga existing na. Isinagawa ang mahigit 200 airport projects, kabilang ang Mactan-Cebu International Airport, Clark International Airport, Bohol-Panglao International Airport, at marami pang iba.


Samantala, pinupuri natin ang Department of Migrant Workers sa maagap na pag-aasikaso sa stranded na OFWs. Siguruhin nating maalalayan sila, lalo na ‘yung naapektuhan ang pagbalik sa trabaho o pag-uwi sa kanilang pamilya.


Ang mga pasahero at ordinaryong mamamayan ang tunay na biktima sa mga ganitong sitwasyon. Huwag natin silang pabayaan at proteksyunan natin ang kapakanan at kaligtasan nila. Bukod sa maayos na transportasyon, huwag kalimutan na ang pangunahing layunin ay ang mabigyan ng ligtas at komportableng buhay ang ating mga kababayan.


Walang tigil ang ating tanggapan sa pagkakaloob ng ayuda sa mga komunidad na ang mga residente ay apektado pa rin ang kabuhayan ng iba’t ibang krisis. Ipinadala ko ang aking relief team sa Llorente, Eastern Samar para maghatid ng tulong sa 722 benepisyaryo na biktima ng pagbaha. Natulungan din natin ang mga siyudad ng Ozamis at Oroquieta; at mga bayan ng Jimenez, Lopez Jaena, Tudela, Aloran, Clarin, Panaon, Sapang Dalaga, Calamba, Don Victoriano, at Baliangao sa Misamis Occidental para maalalayan ang kanilang residente.


Bilang bahagi ng ating layuning mas mapalakas pa ang healthcare system, nagkaroon na ng groundbreaking para sa itatayong Super Health Center sa Rizal, Nueva Ecija noong January 9. Nitong January 10 naman ay nag-groundbreaking na rin ang itatayong Super Health Center sa Sara, Iloilo.


Ang Super Health Center ay medium type na polyclinic, mas malaki lang sa rural health clinic, mas maliit sa ospital. Puwedeng manganak, dental services at laboratory services. Emergency cases para kung kailangang manganak, hindi na kailangang itakbo sa malalayong ospital. Bukod sa 307 SHCs na napondohan noong 2022, umaasa tayo na ngayong taon ay mas marami pang SHC ang sana ay maipatatayo sa iba’t ibang bahagi ng ating bansa.


Noong January 9 ay nagsagawa tayo ng site inspection sa itinatayong Bustos Multipurpose Sports Facility sa Bustos, Bulacan. Bilang Chair ng Senate Committee on Sports, nakakatuwa kapag may ganitong mga inisyatiba na may layuning mas palakasin pa ang sports sector ng bansa. Kailangan talaga ng suporta ng ating mga atleta.


Dinaragdagan pa natin ang pagsisikap na mas maraming Pilipino na naghihirap ang maabot ng ating malasakit at serbisyo sa abot ng ating makakaya. Patuloy tayo sa ating layunin na maihatid ang serbisyong nararapat, lalo na ang pangangalaga sa kalusugan ng mga higit na nangangailangan at walang malalapitan maliban sa pamahalaan.

 

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page