ni Nancy Binay - @Be Nice Tayo | December 4, 2022
Kilala ang Dumaguete City sa lalawigan ng Negros Oriental bilang travel hub,
dahil sa naggagandahang beach resorts, diving spots at natural parks na nakapaligid dito. Isa rin itong sikat na jump-off point sa pamoso at karatig isla ng Siquijor.
Ngunit pihadong hindi na lamang darayuhin ang lungsod dahil sa malalapit na atraksyon at popular nitong panghimagas na silvanas at sans rival.
Binuksan kasi noong nakaraang linggo ang pinakabagong regional branch ng National Museum of the Philippines sa lungsod na ito.
☻☻☻
Ang National Museum Dumaguete ay nakalagak sa dating Presidencia o City Hall ng lungsod, na ni-renovate at ni-restore gamit ang original na plano ng kilalang arkitekto na si Juan Arellano. Kabilang ang Metropolitan Theater, Legislative Building (na ngayo’y National Museum of Fine Arts) at Manila Central Post Office Building sa mga kilalang obra ni Arellano.
Itinayo ang Dumaguete Presidencia noong 1937 at isang halimbawa ng pre-war building. Idineklara itong Important Cultural Property (ICP) noong 2019 dahil na rin sa “cultural, artistic and historical significance” nito. Kasama sa pagbubukas ng museo ang unveiling ng marker na nagdedeklara sa Presidencia bilang ICP.
Makikita sa dalawang palapag ng museo ang mayamang natural history at culture ng Dumaguete, Negros Oriental, Siquijor, at Central Visayas. Sa unang palapag ay may mga exhibit tungkol sa terrestrial at marine biodiversity ng Negros Island, pati na geology at mineral resources nito. Sa ikalawang palapag naman ay itinatanghal ang architectural at cultural wealth ng rehiyon, sa pamamagitan ng artifacts, relics at scale models ng built heritage.
☻☻☻
Bilang permanent alternate sa Board of Trustees ng National Museum, binabati natin ang pamunuan at staff ng NM sa pangunguna ni Director-General Jeremy Barns; at sina Dumaguete Mayor Felipe Remollo at iba pang opisyal ng lungsod para sa proyektong ito.
Isang magandang halimbawa ang proyekto ng pakikipagtulungan ng national at local governments upang palawakin pa ang appreciation o pagpapahalaga at pag-unawa sa mga lokal na kultura, kasaysayan at tradisyon.
Sinusuportahan natin, bilang chairperson ng Senate Committee on Tourism at vice-chairperson naman ng Senate Committee on Culture and Arts, ang mga proyektong ganito.
Isang paraan ito upang lalo pang paunlarin ang ating industriya ng turismo at lalo pang mapangalagaan ang mga lokal na kalinangan o kultura at karunungan.
Tumutulong din ito upang mapreserba ang mga lumang istruktura, relics, at artifacts; at ilapit ito sa mga tao, pati na ang mga importanteng kaganapan, kaalaman at kasaysayan, hindi lamang ng lokal na pamayanan, kundi nating lahat bilang mga Pinoy.
☻☻☻
Paalala lamang sa lahat na patuloy pa ring mag-ingat sa paglabas ng bahay, magsuot ng face mask, ugaliing maghugas ng mga kamay, bigyang-halaga ang kalusugan, at huwag kalilimutang magdasal.
Malalagpasan din natin ito.
Be Safe. Be Well. Be Nice!
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BE NICE TAYO ni Sen. Nancy Binay, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa benicetayo.gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran. Always Be Nice! FOLLOW US! Facebook: www.facebook.com/SenatorNancyBinay Twitter: www.twitter.com/SenatorBinay @SenatorBinay Instagram: @SenatorNancyBinay
Comments