@Editorial | April 30, 2021
Ngayong araw, Abril 30 ay aarangkada na ang online registration ng Philippine Identification System (PhilSys), na ilulunsad ng Philippine Statistics Authority (PSA).
Kailangan lamang punan ng mga aplikante ang mga personal information at mag-schedule ng kanilang bisita sa mga centers para sa pag-record ng kanilang mga biometric information.
Base sa ulat, sa unang quarter pa lamang ng 2021 ay mayroon nang 17.4 milyong indibidwal ang nakapagkumpleto na ng Step 1 registration na kinabibilangan ng door-to-door collection ng information sa mga low-income households.
Umabot na rin sa 4.6 milyong indibidwal ang nakapagtapos na ng kanilang Step 2 kung saan ang mga ito ay nagtungo sa mga registration centers para magbigay ng mga biometric information.
Target ng PSA na makapagrehistro ng 70 milyong indibidwal hanggang sa katapusan ng taon.
Matatandaang, Agosto 6, 2018 nang lagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Philippine Identification System Act, na layong magkaroon ng pambansang pagkakilanlan o national ID ang bawat Pinoy.
Bagama’t tayo’y nasa gitna ng pandemya, kailangang ituloy ang proseso.
Nakikita natin ang kahalagahan at tulong ng pagkakaroon ng national ID.
Mapabibilis nito ang mga transaksiyon sa pagitan ng publiko at gobyerno. Pag-iisahin nito ang lahat ng mga ID ng pamahalaan gaya ng GSIS, Postal ID at SSS — hindi na kailangang magdala ng sangkatutak na ID.
Magagamit din ito para mas mapabilis ang transaksiyon sa pribadong sektor.
Ang pinakamahalaga ay maaari nitong mapigilan ang paglaganap ng mga ilegal na gawain tulad ng pamemeke, pagnanakaw ng identity at kung anu-anong modus-operandi.
Comments