top of page
Search
BULGAR

‘National Frontliners Month’, pagsaludo sa mga bagong bayani sa panahon ng pandemya

ni Kuya Win Gatchalian - @Win Tayong Lahat | September 22, 2020



Kung mayroong mga bagong bayani ngayong panahon ng pandemya, sila ang mga magigiting nating frontliners sa lahat ng sektor. Bilang pagpupugay at pagpapahalaga sa kanilang kabayanihan, nararapat lamang na ipakita natin sa ating mga bagong bayani ang pinakamataas na pagkilala lalo na’t sila ang nangunguna sa ating laban sa COVID-19.


Inihain ng inyong lingkod ang Senate Bill No. 1775 o ang ‘National Frontliners Month Act’ na nagsusulong na ideklara ang buwan ng Hunyo bilang National Frontliners Month.


Layon nitong kilalanin ang mga makabuluhang ambag ng mga frontliners sa pangangalaga sa kapakanan at kaligtasan ng mamamayang Pilipino sa pamamagitan ng pagbibigay ng pangunahing pangangailangan sa panahon ng sakuna, kalamidad at iba pang uri ng pinagdaraanang krisis.


Kabilang sa mga tinatawag na frontline workers na layong kilalanin ng naturang panukala ang mga healthcare workers, food delivery drivers, mga empleyado sa supermarket at mga kainan, guwardiya, kawani ng mga lokal na pamahalaan, social workers, manggagawa sa agrikultura, mga pulis at sundalo. Kabilang din sa mga kinikilalang bayani sa panukala ang mga logistics workers, storekeepers, kolektor ng basura, empleyado ng bangko, kawani ng media at empleyado ng utility companies tulad ng tubig at kuryente.


Isinasakripisyo ng mga manggagawang ito ang sarili nilang kalusugan upang mapanatili ang kaligtasan ng bawat isa habang unti unti ring binubuksan ang ekonomiya. Naniniwala tayo na kailangang patuloy ang pagkilala sa mga frontline workers na itinuturing na mga bayani sa panahon ng pandemya.


Kapag naisabatas, isasabay ang panukalang ito sa pagdiriwang ng kasarinlan ng bansa, kung saan inaalala ang sakripisyo ng mga bayaning lumaban sa pananakop ng mga dayuhan.


Sa ilalim ng naturang panukalang-batas, ang Department of Health (DOH), Department of Labor and Employment (DOLE) at Department of Interior and Local Government (DILG) ay makikipag-ugnayan sa Civil Service Commission (CSC) at iba pang ahensiya ng gobyerno upang magsagawa ng mga programang para sa frontline workers. Bukod dito, pararangalan din sa mga programang ito ang kahusayang ipinakita ng mga lokal na pamahalaan, pati na ang mga opisyal at empleyado ng mga barangay para sa pagganap ng kanilang mga tungkulin.


Walang duda, buong tapang at pagsisikap ang ipinapakita ng bawat Pilipinong frontliner. Sa kabila ng mga pangamba para sa sarili at pamilya, sa huli ay kanila pa ring pinipili na gawin ang kani-kanyang tungkulin upang makapaglingkod sa lahat ng Pilipinong nangangailangan. Kaya saludo tayo sa lahat ng frontliners! Hindi mapapantayan ang inyong malasakit sa bayan.

 

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page