ni Gerard Peter - @Sports | February 17, 2021
Target ng Association of Boxing Alliances in the Philippines (ABAP) na makalipad patungong bansang Thailand sa katapusan ng Pebrero o unang linggo ng Marso upang doon ipagpatuloy ang isinasagawang paghahanda at pagsasanay para sa nalalapit na World Olympic qualifying tournament sa Hunyo sa Paris, France.
Inihayag ni women’s national head coach Nolito “Boy” Velasco na patuloy na nakikipag-usap ang pamunuan ng ABAP, higit na si secretary-general Ed Picson sa mga opisyales ng boxing federation ng Thailand upang mahanapan ang mga national pugs ng mapagsasanayan, dahil aminado ang mga ito na maraming mga makaka-sparring ang mga boksingero sa naturang lugar.
“Ang gustong mangyari nila sir (Ed at Ricky Vargas, ABAP President) ay as soon as possible para makahabol kami du'n bago magkatapusan ng February or 1st week of March,” pahayag ni Velasco sa PSC Hour sa Radyo Pilipinas 2 noong Biyernes. “’Yun talaga ang plano, kaya wala namang tigil silang kaka-contact sa mga official du'n para matanggap tayo para pagdating natin doon, dahil alam naman natin na maraming proseso bago pa tayo makapag-training sa kanila eh.”
Inilahad din ni Velasco na unang plano ng ABAP na dalhin ang koponan sa Europa at U.S, ngunit dahil sa patuloy na pagtaas sa bilang ng mga kaso ng Covid-19, kabilang din umano ang matagal na quarantine at protocols na maaaring tumagal ng halos 1 buwan.
Ikinuwento rin ng national coach na maganda ang nagiging resulta ng pagsasanay na ginagawa ng mga boksingero sa loob ng bubble camp training sa Inspire Sports Academy sa Calamba, Laguna kabilang sina 2021 Tokyo Olympics-bound Irish Magno, hopefuls 2019 AIBA world champion Nesthy Petecio at SEAG medalist Riza Pasuit, kasama ang mga sparring partners na sina dating AIBA world titlist at 5-time SEAG gold medalists Josie Gabuco, biennial meet medalist Aira Villegas at Claudine Veloso.
Comments