ni Nancy Binay @Be Nice Tayo | January 25, 2023
Nitong nakaraang Lunes ay pinarangalan ng Senado ang ilang kababaihang katangi-tangi dahil sa kanilang pagsisilbi sa ating bansa at mga kababayan.
Proud sponsor ang inyong lingkod ng Senate Resolution No. 250- Honoring and Commending the 2022 OUTSTANDING WOMEN IN THE NATION'S SERVICE (TOWNS) awardees.
Ang mga TOWNS awardees ay napili dahil sa mahalagang kontribusyon nila sa kanilang napiling adhikain.
☻☻☻
Si Ani Rosa Almario ay isang children’s book publisher at educator. Ang kanilang adbokasiya ay ang paglathala ng mga akda na bukod sa may literary merit ay naglalaman ng mga kuwento at napapanahong isyu na dapat malaman ng mga bata.
Si Rubilen Amit naman ang isa sa pinakamahusay na 10-ball players sa buong mundo.
Isa siyang former world champion at 10-time Southeast Asian Games gold medalist.
Naging instrumental naman sina Dr. Pia Bagamasbad at Asec. Beverly Lorraine Ho sa kasagsagan ng pandemya. Tumulong si Dr. Pia sa pagpapalakas ng COVID-testing capacity ng bansa at sa training ng mga medical technologist sa tamang paggamit ng RT-PCR test.
Samantala, si Asec. Beverly naman ang isa sa mahinahon at maalam na mukha ng "Bida" at "Resbakuna" information campaigns.
Si Keisha Alena Mayuga ay isang urban planner at urban transport specialist na kumikilos para magkaroon ng mas maayos na public transport at mas ligtas na bike infrastructure sa Metro Manila.
Siya rin ang founder ng "Life Cycles PH" na tumulong sa pagbigay ng bike sa mga frontliner noong kasagsagan ng pandemya.
☻☻☻
Ang physicist at data scientist naman na si Dr. Erika Fille Legara naman ay nagawaran ng "Outstanding Young Scientist Award" ng National Academy of Science and Technology dahil sa kanyang adhikain na gamitin ang data-driven science sa policy-making para maging "future-proof" ang bansa.
Si Anna Rosario Oposa naman ay kinilala dahil sa kanyang mga kontribusyon sa pagkonserba ng ating marine ecology. Isa siya sa mga bumuo ng "Save Philippine Seas" movement na tumutulong sa pangangalaga ng marine biodiversity sa ating bansa.
Kinilala rin si Dr. Aleta Yñiguez ng University of the Philippines Marine Science Institute sa kanyang kontribusyon sa marine science. Tumulong si Dr. Aleta sa paglikha ng mga tools sa pagsulong ng sustainable fisheries at para maging mas accessible ito sa mga small-scale fisherfolk.
May mga pinangungunahan din siyang proyekto na layuning bumuo ng early-warning systems para sa mapaminsalang algal bloom.
☻☻☻
Aktibo naman si Ms. Gina Romero na founder ng tech start na Connected Women AI sa pagbibigay ng oportunidad sa mga kababaihan para sa online skills development at remote work. Nasa 40,000 kababaihan na ang nabigyan ng training ng Connected Women sa entrepreneurship skills para sa digital economy, at 1,000 pa sa mga skills sa artificial intelligence industry.
Si Ana Patricia Non naman ay kinilala sa pag-organisa ng mga "Community Pantry" na nakapagbigay ng inspirasyon sa mga Pilipino na magtulungan noong kasagsagan ng lockdown sa bansa.
Last but not least ay ang journalist na si Patricia Marie Ranada, na kinilala sa kanyang mga in-depth at investigative reports tungkol sa kalikasan at pulitika.
☻☻☻
Saludo tayo sa mga nagawa at magagawa pa ng ating 2022 TOWNS awardees.
Nawa'y ma-inspire ang kababaihan, lalo na ang kabataan, sa inyong halimbawa. Mabuhay kayo!
☻☻☻
Paalala lamang sa lahat na patuloy pa ring mag-ingat sa paglabas ng bahay, magsuot ng face mask, ugaliing maghugas ng kamay, bigyang-halaga ang kalusugan, at huwag kalilimutang magdasal.
Malalagpasan din natin ito.
Be Safe. Be Well. Be Nice!
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BE NICE TAYO ni Sen. Nancy Binay, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa benicetayo.gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran. Always Be Nice! FOLLOW US! Facebook: www.facebook.com/SenatorNancyBinay Twitter: www.twitter.com/SenatorBinay @SenatorBinay Instagram: @SenatorNancyBin
Comments