ni Vinia Vivar - @Frankly Speaking | May 05, 2021
Nakatakdang magbigay ng tribute si Willie Revillame sa mga namayapang komedyante na sina Kim Idol at Le Chazz na naging bahagi ng kanyang programang Wowowin.
Matatandaang pumanaw si Kim Idol nu'ng Hulyo, 2020, habang si Le Chazz naman ay natagpuan na lang na wala nang buhay sa kanyang bahay nitong May 1, 2021 lang.
Sa kanyang programang Wowowin last Monday ay inalala ni Kuya Wil ang dalawang komedyante. Bakas ang kalungkutan sa mukha ng TV host.
“Noong isang araw, kausap ko lang. Noong isang araw, nagpapatawa sa 'yo. Last February 13, nandito, nasa Wil Tower, nagpapasaya. Tapos, mababalitaan mo, wala na.
“Gusto ko lang ho magbigay ng kumbaga, pasasalamat sa kanila, kasama ko on and off the camera. Masasayang kasama.
“Nakakalungkot, eh. Nami-miss ko 'tong mga 'to.
“Kasi magaling 'tong batang 'to, eh, mabait, walang negative. Pumanaw na ho siya… Siya po ay nagpaalam na sa atin. Pero 'yang episode na 'yan, 'yun po 'yung February 13. Sa Wil Tower pa po kami, kasama si Donita (Nose) at si Jennie,” pag-alala ni Willie kay Le Chazz.
“Nakasama rin namin si Kim Idol. Si Kim Idol din po, namaalam na pero during that time na siya ho'y namaalam, ang ganda ng ginagawa niya. Siya'y isang frontliner. Tumutulong po siya sa maysakit. Siguro ho, ayun nga nangyari, nahawahan din siya. Bigla-bigla din ho lahat,” pagbabahagi ni Willie tungkol naman kay Kim Idol.
Kaya naman ngayong Biyernes, May 7, ay nakatakda silang maglabas sa Wowowin ng isang tribute para sa mga nakasamang yumaong komedyante.
“Sumulat po sa akin si Le Chazz. Meron ho siya sa aking sulat bago siya namatay. Ipapakita ko sa Friday. Personal niyang sulat, 'Para sa 'yo, Kuya Willie.'
“Nami-miss ko 'yung dalawang 'to. Napamahal sa akin 'tong dalawang 'to, eh. 'Pag nag-a-out-of-town ako, kasama ko sila. Isang tawag mo lang, nand'yan sila. Kasi gusto ko, sumasaya sila.
“Eto po si Kim Idol at ito si Le Chazz, naging parte po sila ng programang Wowowin,” sey pa ni Willie.
Comentários