ni Anthony E. Servinio @Sports | April 28, 2023
Pasok na sa 2024 AFC Under-17 Women’s Asian Cup Qualifiers Round Two ang Philippine Women’s Football National Team matapos pabagsakin ang Lebanon, 2-0, sa Guam Football Association Training Center Miyerkules ng gabi.
Winalis ng Filipinas ang dalawang laro sa Grupo G kasama ang 3-1 tagumpay sa host Guam noong Sabado. Hinintay ang ika-68 minuto bago nakabutas ang Filipinas salamat kay Isabella Alamo. Ipinasa ni Anna Medalla ang bola kay Nina Mathelus malapit sa goal at agad ibinalik niya ito sa walang bantay na si Alamo para maging 1-0.
Kahit naunahan, biglang tumindi ang atake ng Lebanon para ipantay ang laro ngunit nanatiling matatag ang depensa. Nagpasikat si goalkeeper Clara Estiandan matapos halos hindi lumapit sa kanya ang bola sa nakalipas na oras.
Nagbunga ang sipag ng Filipinas at dumating ang pangalawang goal sa penalty kick ni Mathelus sa ika-90 minuto at kanyang ika-apat sa torneo. Pinatid siya malapit sa goal at ginawaran ng penalty upang madoble ang lamang.
Kinailangan ng mga Pinay na magwagi at kung tabla o talo ay papasok ang Lebanon sa Round Two. Mas malaki ang linamang ng Lebanon sa tapatan nila sa Guam, 5-2, noong Lunes.
Ang Round 2 ay gaganapin sa Setyembre kung saan ang Pilipinas at ang pitong iba pang mga kampeon ng mga grupo ay hahatiin sa dalawang grupo ng apat. Ang dalawang may pinakamataas na kartada sa bawat grupo ay tutuloy sa Asian Cup sa susunod na Abril kung saan naghihintay ang defending champion Japan, Hilagang Korea, Tsina at host Indonesia.
Comentarios