ni Anthony E. Servinio @Sports | November 3, 2023
Winakasan ng Philippine Women’s Football National Team ang kanilang kampanya patungong Paris 2024 Olympics sa 1-0 panalo kontra Iran Miyerkules sa Perth Rectangular Stadium ng Kanlurang Australia. Bitin ang tagumpay at hindi nakisama ang tadhana sa Filipinas matapos dumating ang resulta ng mga nalalabing laban.
Itinapik palayo ni Iran goalkeeper Zahra Khajavi ang bola patungo sa naghihintay na kapitana Tahnai Annis na hindi nag-aksaya ng panahon na malakas sipain ito pabalik para sa nag-iisang goal sa ika-19 minuto. Hindi nagawan ng solusyon ng Pilipinas ang mahigpit na depensa sa kanilang layunin na tambakan ang mga Iranian upang mabura ang epekto ng 0-8 talo sa host Australia noong Linggo.
Nakamit ng Australia ang isang tiket sa Round 3 matapos manaig sa Chinese-Taipei, 3-0, at maging numero uno sa Grupo A na may 9 na puntos at pangalawa ang mga Pinay na may anim. Lumaki ang pag-asa ng Filipinas nang magtabla ng 1-1 ang Timog Korea at Tsina at nagtapos na may 5 puntos lang ang mga Koreana sa Grupo B.
Dahil dito, nakasalalay ang tiket ng Filipinas sa huling laro ng torneo sa pagitan ng Uzbekistan at India sa Grupo C. Subalit madaling iniligpit ng mga Uzbek ang kalaban, 3-0, upang tumbasan ang anim na puntos ng mga Pinay at maagaw ang tiket dahil mas mataas ang kanilang kabuuang inilamang sa tatlong laro na +2 kumpara sa -4.
Ang Round 3 ay kabibilangan ng Australia, Japan, Hilagang Korea at Uzbekistan sa Pebrero, 2024. Magkakaroon ng dalawang hiwalay na serye na paramihan ng goal sa dalawang laro at ang dalawang magwawagi ay tutuloy sa Olympics.
Comentarii