ni Gerard Peter / ATD - @Sports | December 13, 2020
Pangunahing prayoridad ng Philippine Sports Commission (PSC) ang mabakunahan ang mga miyembro ng Pambansang atleta sakaling buksan na ito sa merkado, habang optimistikong madaragdagan pa ang bilang ng mga qualified athletes sa Olympiad.
Umaasa si PSC chairman William “Butch” Ramirez na magkakaroon ng sapat na pondo ang ahensiya upang makabili ng vaccines para sa lahat ng mga atleta. Nakatuon ang atensyon nito na mahanapan ng paraan upang pagkuhanan ng badyet na pambili ng bakuna laban sa novel coronavirus disease (Covid-19) na patuloy na nagpapahirap at kumikitil ng buhay sa buong mundo at ng nararanasang krisis dulot ng pandemya.
Sinabi pa ng 70-anyos na sports official na naaangkop lamang umano ang pagdating ng bakuna laban sa Covid-19 sa bansa sa Hunyo, 2021 dahil mabibigyan nito ng panahon ang mga atleta at coaches upang makapaghanda sakaling makapagkuwalipika sa paparating na 2021 Summer Olympic Games na sisimulan sa Hulyo 23-Agosto 8 sa Tokyo, Japan.
Inilabas na rin umano ang ilang protocols sakaling simulang muli ang pagsasanay ng national athletes na naghahanda sa qualifying tournaments sa 2021. Pinaalalahanan ng Davaoeno na patuloy na sumunod sa mga ipinag-uutos at panuntunan ng PSC at ng Inter Agency Task Force on Emerging Infectious Disease (IATF-EID), dahil baka pagmulan pa ito ng pagkalat ng karamdaman.
Naghihintay na lang ang ahensiya sa ‘go-signal’ ng Task Force hinggil sa bubble training camp sa Inspire Sports Academy sa Calamba, Laguna, na hihigpitan din ang safety measures at health protocol guidelines.
Malaki rin aniya ang inaasahan ng bansa na madaragdagan ang mga atletang papasok sa Tokyo Games matapos mauna ng makakuha ng ticket sina Pole Vaulter Ernest Obiena, gymnasts Caloy Yulo at national boxers Irish Magno ng women’s flyweight at amateur at pro-boxer Eumir Felix Marcial, na sasabak sa 4-round pro bout sa Disyembre 17 sa Los Angeles, California laban kay American Andrew Whitfield.
May pagkakataon pang madagdagan ang nasa listahan ng mga qualified athletes sa katauhan nina 2016 Rio Olympics silver medalists Hidilyn Diaz ng weightlifting, 4-time Southeast Asian Games champion Kiyomi Watanabe ng judo; 2019 AIBA women’s World boxing champion Nesthy Petecio, karatekas, Junna Tsukii, Jamie Lim at Joanne Orbon; Taek jins Pauline Lopez at Olympian Kirstie Elaine Alora, at 2018 Asian Games gold medalist Margielyn Didal ng skateboarding.
留言