ni Gerard Peter - @Sports | November 19, 2020
Tatlong gintong medalya ang binuhat ni national team junior weightlifter member Vanessa Sarno sa katatapos lang na IWF Online Youth World Cup upang makamit ang kanyang kauna-unahang medalya sa paglahok sa online competition.
Binitbit ng 17-anyos na Tagbilaran City, Bohol-native ang mga gintong medalya sa snatch (93), clean and jerk (118) at ang kabuuang puntos na 211 upang mapagwagian ang women’s 71kgs category.
Nakamit naman ni Nigora Suvonova ng Uzbekistan ang tatlong silver medals sa snatch (91), clean and jerk (117) na may total na 208, habang napunta rin lahat ng bronze medals kay Nancy Genzel Abouke ng Nauru na may 90 sa snatch, 110 sa clean at jerk at 200 total lifts.
“Grabe po sobrang hirap po kasi biglaan po yung pagkasabi na may laro kami, tapos hindi pa talaga ako fully recovered nu'ng sinabi na may laro kami. Tapos di ko pa po talaga nakukuha yung mga buhat ko dati sa training,” pahayag ni Sarno sa panayam ng Bulgar Sports sa online interview. “Ang dami pong struggles na kinaharap namin. Two months and half lang po talaga yung training ko. Nung palapit na po yung laro namin dito na po ako natutulog sa bahay ng coach namin kasi nasa labas lang ng bahay nila ang gym and sobrang thankful ako sa mga team mates ko na sina Rhea Magparo, Jullia Ouano at Daisy Mae Zerna na sinasamahan nila ako lage sa pag training ng madaling araw,” dagdag ng grade 10 student-athlete sa BIT-International College.
Bago nagsimula ang laban ay bahagyang nag-alinlangan ang Boholano weightlifter ng makita niya ang entry ng Uzbek weightlifter na 215 kumpara sa kanyang 210 na entry lamang. Ngunit hindi nawalan ng loob si Sarno, bagkus ay lalo pa siyang naging determinado na makamit ang kanyang unang gintong medalya sa online competition.
“Kasi po sa start list po na nakita ko ay fight for second lang ako kasi 215kgs po yung total na nakalagay sa Uzbekistan tapos yung akin po ay 210 po. Ayoko lang po talaga muna magbitaw ng mga salita na makukuha ko yung gold kasi hindi pa po natin alam kung anong mangyare sa laro po,” paliwanag ni Sarno , na ginagabayan ni national coach Nicholas Jaluag.
Comments