top of page
Search
BULGAR

Nasesante dahil sumugod sa opisina, problemado

ni Sister Isabel del Mundo - @Mga kuwento ng buhay at pag-ibig | June 02, 2021



Dear Sister Isabel,

Kumusta kayo? Nawa’y nasa maayos kayong kalagayan sa kabila ng pandemya nang sa gayun ay marami pa kayong matulungan sa mga naguguluhan sa kanilang buhay.

Nais kong humingi ng tulong sa inyo tungkol sa suliranin ko sa kumpanyang pinapasukan ko.

Isa ang kumpanya namin na pansamantalang naka-lockdown, kaya online na lang ang pagganap ko sa aking trabaho at naka-work from home ako. Subalit halos three months na akong walang suweldo. Dahil doon, naisip kong pumunta sa kumpanya namin upang siguraduhin kung talaga bang bukas ito o hindi.

Awa ng Diyos, nakita kong bukas ito at may guwardiyang nagbabantay sa labas. Nagsabi akong gusto kong pumasok dahil kukunin ko ang suweldo ko at ive-verify ko na ang retirement ko kung may tseke na o wala pa. Naka-schedule na kasi akong mag-retire pero hindi natuloy dahil sa pandemya. Hindi ako pinapasok ng guwardiya kaya nagpumilit ako kaya nagalit ang boss ko at ipinagtabuyan ako, ang masaklap, tinerminate pa niya ako.

Lalong lumala ang mga pangyayari at hindi ko alam ang gagawin. Sana ay matulungan n’yo ako.


Gumagalang,

Evelyn ng Pateros


Sa iyo, Evelyn,

Relax ka lang at huwag magpadalos- dalos. Gayundin, huwag mong daanin sa init ng ulo ang lahat.

Unawain mo ang iyong boss at bigyan mo ng pagkakataong ayusin niya ang lahat. Makipag-usap ka nang mahinahon sa telepono o mag-email ka na lang upang maiwasan ang tensiyon. Magiging maayos ang lahat kung dadaanin sa mahinahong pamamaraan.


Natitiyak kong inihahanda na ng boss mo ang iyong sahod, retirement benefit, gayundin ang termination paper mo, huwag mo lang silang apurahin. Sa kabilang dako, huwag mong panghinayangan na tinaggal ka na sa trabaho. May ibang inilalaan sa iyo ang Diyos dahil walang permanente sa mundo. Isipin mo na lang na hanggang doon na lang talaga ang pagtatrabaho mo sa kanila at ibang daigdig naman ang inilalaan sa iyo ng tadhana. Tanggapin mo nang maluwag sa kalooban anuman ang iyong dinaranas ngayon. Palagi mong isipin na sa kabila ng ulap, naghihintay ay liwanag.


Ibig sabihin, kung may lungkot, may ligaya at kung may tiyaga, may nilaga. Hanggang dito na lang, nawa ay napagaan ko ang loob mo at naliwanagan sa suliraning gumugulo sa iyong isipan.


Sumasaiyo,

Sister Isabel del Mundo

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page