top of page
Search
BULGAR

Nasanay na laging sinusuyo… Misis, nag-o-overthink dahil mister wa’ paramdam

ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran Ayon Sa Numero | Oct. 17, 2024



Dear Maestro,


Hindi kami okey ng mister ko. Nu’ng nakaraang buwan kasi ay nagtalo kami dahil sa pera. Kaya bago pa lumala ang sitwasyon, nagpasya na akong umuwi sa aking nanay para ‘di na kami magkasakitan pa ng loob. 


Sa ngayon, hindi pa rin niya ako sinusundo, gayung mag-iisang buwan na akong lumayas kasama ang tatlo naming anak. 


Nagtataka ako sa kanya, bakit kaya niya akong tiisin na hindi makita, ganundin ang mga anak namin. 


Dati naman ay hindi siya ganu’n. Kapag nagkakaroon kami ng tampuhan, agad niya naman akong sinusundo. Kapag umuuwi ako sa mga nanay ko, agad naman siyang humihingi ng sorry. 


Iniisip ko tuloy ngayon na baka nawalan na siya ng amor sa akin at sa aming mga anak, ang mas masaklap pa, baka naman kaya niya kami natitiis ay dahil may iba na siyang babae ngayon, na ‘wag naman sanang mangyari. 


Maestro, bakit parang hindi man lang niya ako nami-miss lalo na ang mga bata?

Sa inyong palagay, tuluyan na ba kaming magkakahiwalay? Bakit kaya hindi pa niya pa ako sinusundo? May mahal na rin ba siyang iba? September 26, 1995 ang birthday ko, habang February 10, 1990 naman ang mister ko.

Umaasa,

Rose Anne ng Napindan, Taguig City


 

Dear Rose Anne,


Naging ganyan ang sitwasyon ninyo, dahil pareho kayong nagtataglay ng strong number sa birth date mo 26 o 8 (ang 26 ay 2+6=8), at birth date na 1 or 10 (ang 10 ay 1+0=1) ng mister mo.


Maaaring sa kasalukuyan, walang may gustong magpakumbaba o magpakabait sa inyong dalawa, lalo na sa tuwing may hindi kayo napagkakasunduan. Dahil gusto ng isa’t isa sa inyo ay lagi silang panalo, ‘yun bang walang gustong magpatalo, iyon tuloy nauuwi sa matinding pag-aaway ang inyong samahan hanggang sa mauwi sa hindi masayang relasyon. 


Subalit, kung may matututong magpakumbaba sa inyo, ‘yun bang hindi na gaanong makikipagtalo, makikita mo, magiging maligaya at mauuwi sa pag-unlad ang inyong samahan.


Maraming mag-asawa ang parehong strong number, at nauuwi sa hiwalayan ang relasyon. Gayunman, marami rin naman ang may strong number na nagtitiis, kaya hindi naghihiwalay. 


Ang nasabing strong number ng mag-asawa na nakakatiis at nananatiling nagmamahal ang kusang yumayaman, umuunlad, nakakapagtayo ng magarang bahay na yari sa bato at nakakabili ng magarang sasakyan.  


Ang tanong ngayon, sino nga ba ang dapat na magpakumbaba sa inyo? Walang iba, kundi ikaw! Ikaw kasi ang may zodiac sign na Libra. Kung saan, ang Libra ay itinalaga ng tadhana upang magsakripisyo, magtiis at magkapamartir.


Kaya kung ibig mo pang mabuo ang inyong pamilya, ‘wag ka nang mag-aksaya pa ng panahon upang pagpasok ng susunod na buwan ng Nobyembre, habang  ramdam na ramdam n’yo ang simoy ng Pasko, umuwi ka na sa inyo, makipag-ayos at humingi ka na ng tawad sa mister mo. 


Samantala, may chance rin naman na ganundin ang gawin niya, hihingi rin siya sa iyo ng kapatawaran, upang sa sandaling ika’y nagpakumbaba, mauuwi na sa isang masaya, maunlad, at panghabambuhay na pamilya ang inyong relasyon.


Sa panahong nagbibinata at nagdadalaga na ang inyong mga anak, mga 7 to 10 years mula ngayon, makikita mo mayamang-mayaman na kayo at maligaya na ang buhay ng inyong pamilya.



Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page