ni ATD - @Sports | November 27, 2020
Dalawang rubber match games ang masisilayan ngayong araw sa Philippine Cup na gaganapin sa AUF Sports Gym sa Clark, Pampanga.
Parehong nasagad sa Game 5 ang bakbakan ng dalawang pares ng semifinals matapos manalo ng Meralco Bolts at TNT Tropang Giga noong Miyerkules at ilista ang 2-2 sa kanilang best-of-five series.
Kinuryente ng Bolts ang Barangay Ginebra Gin Kings, 83-80 habang tinalbos ng Tropang Giga ang Phoenix FuelMasters, 102-101.
Magkaka-alaman kung sino ang pauuwiin sa PBA bubble pagkatapos ng Game 5, magtatapat ang Tropang Giga at Bolts sa alas-3:45 ng hapon habang magbabanatan sa alas-6:30 ng gabi ang TNT at Phoenix.
Muling sasandalan ni Meralco head coach Norman Black sina veteran Reynel Hugnatan, Chris Newsome at Cliff Hodge upang masikwat ang back-to-back wins at sumampa sa championship round. "Just like in our battle with San Miguel, we have to win two games to move to the next stage. We're halfway through," saad ni Black.
Malaking ambag si Hugnatan para makahirit ng do-or-die game ang Meralco, nagtala ito ng 19 points habang bumakas sina Newsome at Hodge ng tig-16 markers.
Tiyak na may plano ang Gin Kings upang sanggain ang mga armas ng Bolts, ibabangga naman ng crowd favorite Ginebra sina Stanley Pringle, Japeth Aguilar at LA Tenorio.
Dalawang teams ang aalis ng Clark pagkatapos ng laban, ito'y upang mabawasan ang tao sa loob ng PBA bubble at mas magiging ligtas sa mapanganib na coronavirus (COVID-19).
Sina Bobby Ray Parks Jr., Jayson Castro at RR Pogoy ang huhugutan ng puwersa ng Tropang Giga.
Ibabandera naman ng FuelMasters sina Matthew Wright, Calvin Abueva at Jason Perkins. Hindi na napapansin ang COVID-19 dahil mas mainit na ang labanan sa semifinals, halos wala na sa isip nila ang pandemya.
Noong nakaraang buwan lamang ay nabulabog ang PBA nang may magpositibo sa coronavirus at mapilitang ihinto muli ang preliminary round. Pero dahil sa mahigpit na ipinatutupad ang health protocols ay humina na ang puwersa ng COVID-19.
Comentarios