ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | Feb. 15, 2025
![Fr. Robert Reyes](https://static.wixstatic.com/media/3dfc8a_6a2e431fd4524e52984699de1fc89c46~mv2.jpg/v1/fill/w_656,h_393,al_c,q_80,enc_avif,quality_auto/3dfc8a_6a2e431fd4524e52984699de1fc89c46~mv2.jpg)
Ipinanganak tayo 10 taon pagkatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig (World War II). Taong 1955, buwan ng Pebrero iyon.
Ibang-iba ang panahong iyon, naaalala pa natin ang bahay ng aking Lola Pia sa kalye Dimasalang, Sta. Cruz, Maynila. Naalala ko ang puno ng balimbing at ang maliliit na bulaklak na puti at pula na unti-unting nagiging bungang hugis bituin na pahaba.
Napakalinis ng bahay ng lola ko. Salamat sa kanya at sa mga anak niyang maayos at masipag maglinis ng bahay. Mapayapa, masagana, masaya ang mundo noong mga panahong iyon. Simple ngunit sapat lang ang buhay na handog sa aming magkakapatid ng masisipag naming magulang.
Guro ang nanay ko at accountant naman ang aking tatay. Nagtuturo sa isang kilalang hayskul sa bandang Maypajo at Tayuman ang nanay ko. Isa accountant ang aking ama sa isang kumpanyang Amerikano ng mga barkong pampasahero.
Tuwing Disyembre laging may uwing pabo (turkey) at kesong pula ang aming ama. Meron pang kalendaryo ng mga kilalang tourist spots sa Amerika mula Enero hanggang Disyembre. Naaalala ko pa ang sama-samang paghanga ng aking pamilya at lahat din ng mga kababayan nating nakarating sa Amerika. Kaya noong bata ako, buhay na buhay ang naturang ‘American dream’ sa aking mga magulang, mga kapatid, kapitbahay at sa nakararami. Hindi kalaunan dalawa sa aking mga kapatid ay nakipagsapalaran sa paghahanap ng kanilang American dream. Dalawa kami ng kapatid kong lalaki ang naiwan sa bansa kasama ng aming mga magulang.
Hindi rin nagtagal ng marating natin ang bansang kinahumalingan ng marami. Dumating ang pagkakataon nang mag-aral tayo sa Roma. Tuwing summer sa Europa (Agosto-Setyembre) karamihan sa mga kapariang estudyante ang naaanyayahan ng mga parokya sa iba’t ibang bahagi ng Estados Unidos para humalili sa mga kura parokong nais magbakasyon. Dalawang summer tayong tumulong sa St. Andrew the Apostle Parish sa Calumet City, Illinois. At noon din ako nagkaroon ng pagkakataong madalaw ang aking kapatid na babae sa Seattle, Washington at ang mga pinsan ko sa Los Angeles, California.
Presidente ng Amerika noon si Ronald Reagan. At sa mga sumunod na mga taon ng aking pagdalaw sa Estados Unidos nasundan natin ang pamumuno nina George Bush Sr., Bill Clinton, George Bush Jr., Barack Obama hanggang sina Donald Trump, Joe Biden at ngayon Trump muli.
Kapansin-pansin ang paiba-ibang polisiyang panloob at panlabas na pinaiiral ng mga naging presidente. Merong mga pangulong agresibo sa pakikipagdigma at merong hindi. May bukas sa mga migrante, may kritikal at sarado sa mga migrante.
Tuwing madadaan tayo sa harapan ng US Embassy sa Roxas, Boulevard makikita ang mahabang pila ng mga aplikante para sa US visa. Hindi ko alam ngayon kung ganoon pa rin kadami ang mga aplikante. Ngunit, unti-unti na ring naglalaho ang ningning ng naturang American dream.
Hindi na ganoon kayaman at kaunlad na tulad ng dati ang Estados Unidos at dumarami ang problemang panloob at panlabas nito. Kaya paulit-ulit na maririnig ang ganitong slogan ng mga tumatakbong presidente: “America Will Be Great Again.” Oo, magiging makapangyarihan muli ang Amerika, ngunit sa anong paraan?
Nang tumakbong presidente si Donald Trump noong 2016, ang kanyang kampanya ay ‘Amerika para sa mga Amerikano!’ ‘Pag nahalal na presidente, pangako ni Trump na ‘magtatayo siya ng pader sa pagitan ng Mexico at Estados Unidos. Palalayasin niya ang lahat ng mga migranteng ilegal!’ Hindi pa nananalo si Trump noong 2016, nagsalita na si Papa Francisco, “Trump is not a Christian. A person who thinks only about building walls, wherever they may be and not building bridges is not a Christian.”
At nanalo muli si Trump at lalong tumindi ang kanyang paglaban sa mga migranteng ilegal na ngayon ay titiyakin niyang palayasin at pabalikin sa kani-kanilang mga bansa. Kaya muling nagsalita si Papa Francisco ukol kay Trump: “What is built on the basis of force, and not on the truth about the equal dignity of every human being, begins badly and will end badly,” na ang ibig sabihin lamang ay anuman ang itayo batay sa puwersa at hindi sa katotohanan ng pantay-pantay na dangal ng bawat tao, ay nagsisimula ng masama at magtatapos ng masama.
Ganito ang ginawa ni Adolf Hitler sa mga Hudyo. Ibinintang sa mga ito ang pagbagsak at paghina ng Alemanya. Ganito rin ang ginawa ni ex-President Rodrigo Duterte sa mga nalululon sa droga. Ibinintang sa droga ang paglubog ng Pilipinas. Maging si Trump ay ganito rin ang ginagawa sa mga migrante. Kailangang may pagbintangan at ituring na kalaban. Ngunit ano nga ba ang suliranin ng Estados Unidos?
Anuman ang problema ng dating makapangyarihang bansa, hindi solusyon ang mag-scape goat o ibintang sa iba ang problema.
At marahil ito rin ang problema ng American dream o ng anumang panaginip. Kung pera lang ang tagong pinag-uusapan at hindi ang dangal ng bawat tao, ang mga makapangyarihang korporasyon at ilang mga bilyonaryong mamamayan ang mapapaboran. Kaya, hindi umano mahalaga ang dangal ng mga migranteng ilegal. Sila nga raw ang problema kaya ang pagpapalayas sa kanila ang tanging solusyon. Tama at totoo ba ito? Nasaan na ang American dream?
Comments