ni Judith Sto. Domingo @Asintado | June 12, 2024
Kasaysayan man ang konteksto ng ating paggunita ngayon ng Araw ng Kalayaan, mainam na pagkakataon din ang Miyerkules na ito para mapagnilay-nilayan ang kahulugan ng pagiging malaya at ang sari-saring anyo nito sa ating buhay.
Matimbang na salita ang kalayaan, na sa kalaliman at kalakihan ng kinasasaklawan nito ay hindi natin lubos na mayakap. Matimyas ito sa ating kamalayan, lalo na sa gitna ng patuloy na pagmamalabis ng mga hukbong Intsik sa West Philippine Sea. Nananaghoy ang ating mga puso sa nagaganap na pagsalaula ng Tsina sa ating karapatan bilang malayang bayan.
Ang lalong nagpapahirap, ang bawat isa sa atin ay nakagapos o nakakadena rin sa hindi kakaunting mabibigat na sitwasyon: patong-patong na bayarin, tambak na trabaho, kapos na sahod, mabigat na trapiko habang lulan ng bulok na pampublikong sasakyan, mausok at mainit na kapaligiran, mataas na presyo ng mga bilihin, mga pasaway sa paligid, sa trabaho at lalo na sa gobyerno.
Sa kabilang banda, may mga natatamasa rin tayong mga bagay na maaaring ituring na munting kalayaan. Ang panandaliang pagkakape, ang pagbabasa nitong ating paboritong pahayagan (Bulgar), ang paghulagpos ng ating mga luha sa panonood ng teleserye o K-drama, ang pagtunghay sa nakaaantig na maikling video tulad ng isang aso na masugid na sumusubaybay sa sanggol ng amo nito, ay ilan lamang sa mga payak na kalayaang maaari nating piliing maramdaman at maranasan sa araw-araw.
Kasali rito ang mga hindi mapigilang hilig nating mga Pilipino: ang pagkanta, kahit sintunado, nang may hugot o pagpapalaya sa ating mga binurong emosyon. Kaya’t naandiyan ang milyun-milyong masasabayang awitin, ballad man o maingay na musikang nakapagpasigaw, gaya ng mga nilalaman ng maalamat na Independence Day album ng Pinoy punk na grupong Urban Bandits.
Sa isang banda, ang iba’t ibang natatamo nating kalayaan sa bawat araw ay may mahalagang mensahe: anumang bigat ng pasanin, maaari tayong malayang makapili ng ating gagawin at patutunguhan; anumang pagsubok o pagkalugmok ay maaaring maging daan sa pagpapakatatag at pagtatagumpay.
Ang pagpapalaya sa ating mga sarili mula sa pagkakabilanggo at pagkakalungo sa samu’t saring pagkagapi ay landas din para makamit ng iba ang inaasam na kagaanan — mula sa tapat nating pakikinig sa kanilang hinaing, sa paglalaan ng ating balikat ng pagdamay, sa pangungusap na magbibigay kaginhawahan, sa pagdampi ng kahit kaunting kabutihan sa kanilang nararanasang kabigatan.
Sa maraming paraan at pagkakataon, nakasalalay sa atin ang ating kalayaan — sa ating pagkakaisa, lakas ng loob, determinasyon, pagtitiyaga, tibay ng pananalig kasabay ng taimtim na dasal na malalampasan natin lagi ang hamon ng bawat sigalot at pasanin.
Ang asintadong puno’t dulo nito: ang bawat isa sa atin ang susi sa ating paglaya sa nakaririmarim na mga sitwasyon. Bawat isa sa atin ay may magagawa sa ngalan ng wagas na kalayaan ng bayan at sarili. Ginagawa ba natin ang ating papel at panawagan ayon sa nararapat?
Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.
Comments