ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | August 5, 2023
Dear Chief Acosta,
Ako ay kumuha ng isang education insurance plan para sa aking anak, mula sa isang pre-need company noong taong 2021. Tumupad ako sa pagbayad ng buwanang hulog o monthly premiums ng nasabing plan. Subalit, noong isang linggo ay nawalan ako ng trabaho, at sa kasalukuyan ay naghahanap pa rin ako ng bagong trabaho. Gusto kong malaman kung ano ang mangyayari sa kinuha kong education insurance plan kung sakaling mabigo akong bayaran ang mga susunod na monthly premiums nito, at mayroon ba akong iba pang rekurso? - Yana
Dear Yana,
Ang batas na sasaklaw patungkol sa iyong katanungan ay ang Republic Act No. 9829 (RA No. 9829) o mas kilala bilang “Pre-need Code of the Philippines.” Nakasaad sa Section 23 ng RA No. 9829 ang sumusunod na probisyon:
“Section 23. Default; Reinstatement Period. - The pre-need company must provide in all contracts issued to planholders a grace period of at least sixty (60) days within which to pay accrued installments, counted from the due date of the first unpaid installment. Nonpayment of a plan within the grace period shall render the plan a lapsed plan. Any payment by the planholder after the grace period shall be reimbursed forthwith, unless the planholder duly reinstates the plan. The planholder shall be allowed a period of not less than two (2) years from the lapse of the grace period or a longer period as provided in the contract within which to reinstate his plan. No cancellation of plans shall be made by the issuer during such period when reinstatement may be effected.
Within thirty (30) days from the expiration of the grace period and within thirty (30) days from the expiration of the reinstatement period, which is two (2) years from the lapse of the grace period, the pre-need company shall give written notice to the planholder that his plan will be cancelled if not reinstated within two (2) years. Failure to give either of the required notices shall preclude the pre-need company from treating the plans as cancelled.”
Alinsunod sa nabanggit na probisyon ng batas, marapat na nakapaloob sa inyong kontrata na kayo ay may 60 araw na grace period o palugit, mula sa itinakdang araw na dapat mabayaran ang anumang installment payment, upang bayaran ito. Kung ang nasabing grace period ay lumagpas na at hindi mo pa rin nabayaran ang napagkasunduang installment payment, ang iyong education insurance plan ay maaaring mapaso.
Gayunman, maaari mo pa namang i-reinstate ang iyong education insurance plan kung magiging maayos na ang iyong kabuhayan. Ayon sa batas, ang isang plan holder ay mayroong 2 taon mula sa pagkapaso ng kanyang grace period upang i-reinstate o ibalik ang anumang pre-need plan, liban na lamang kung ang plan issuer na nagkaloob ng pre-need plan ay nagbigay ng mas mahabang panahon kaugnay sa reinstatement.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.
Comments