ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | December 14, 2022
Ilang araw matapos na umupo bilang pangulo ng bansa si Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr. ay agad nitong pinag-utos na bilisan ang pamamahagi ng national IDs sa ilalim ng Philippine Identification System (PhilSys) upang magamit ng mga Pilipino sa 2023.
Nitong nakaraang linggo ay muling nanawagan si P-BBM hinggil dito at tahasang inatasan ang Philippine Statistics Authority na bilisan ang pag-iimprenta ng digital version ng national ID.
Ang mga ahensyang namamahala sa PhilSys ID Project ay ang PSA, NEDA at ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), na ngayon ay tila nahaharap sa malaking suliranin dahil sa pagkakaantala ng naturang ID.
Ayon sa Philippine Postal Corporation, mahigit sa 13.7 milyong PhiliSys ID ang naipamahagi na sa publiko noong inanunsyo ni PBBM na dapat bilisan ang pag-iimprenta at pamamahagi, ngunit tila nagkaroon ng problema.
Sa paglipas ng mga buwan ay dumarami na ang naiinip at hinahanap na ang kanilang national ID dahil ilang buwan nang lumipas matapos silang mag-apply ay hindi pa rin naibibigay ang naturang ID.
Kaya’t nagpaliwanag ang PSA na ang nakikita umano nilang dahilan sa pagkakaantala ng pag-iimprenta at pamamahagi ng PhilSys o national ID ay dahil sa sobrang dami ng mga aplikante na nagparehistro.
Ayon sa PSA, hanggang noong Oktubre ay umabot na sa 74.28 milyong Pilipino ang nagparehistro sa PhilSys at sumailalim na sa pagpapatala demographic at biometric information.
Ibig sabihin ay inirerepresenta nito ang 98.75% ng populasyon na may edad 15 pataas at katumbas na ito ng 80% na target para sa 2022 at mayroon namang kabuuang 51.23% mula sa nabanggit na bilang, ang sumailalim naman sa backend identity verification.
Bukod dito, nakapagbigay ang PSA ng unique 12-digit PhilSys number sa mahigit 45 milyong nagpalista mula sa 51 milyon na sumailalim sa backend verification process.
Pinangangatawanan din ng PSA na nakapag-dispatched/turn over na sila sa Philippine Post Office ng kabuuang 22.55 milyong PhilID cards, ngunit tila may bahagyang pagbabagal din sa panig ng PhilPost na nakadagdag pa sa problemang kinahaharap ng PSA.
Sa dinami-rami ng mga nagparehistro para magkaroon ng national ID ay nasa 17.6 milyon pa lamang ang PhilID cards na nai-deliver ng PhilPost hanggang noong Oktubre 14 at umaabot na sa 19 milyon ang backlogs.
Ngayon heto, may sama-samang pangako ang lahat ng sangkot sa PhilIDs na kaya umanong maresolba ang naturang backlog sa loob ng apat na buwan at hindi natin ito tututulan at sa halip ay sasamahan pa natin ng panalangin na sana ay maisakatuparan na ang lahat.
Matatandaang hinimok ng PSA ang publiko na magpaimprenta na lang muna ng digital version ng PhilSys o ePhilID habang wala pa ang physical cards na magmumula sa printing facilities ng Bangko Sentral ng Pilipinas.
Dahil nais ng PSA na kahit wala pa ang physical cards ay masimulan ng magamit ng nagparehistro ang benepisyo ng PhilSys, tulad ng mabilis na transaksyon para magkaroon ng access sa financial at social protection services na kailangan ng kapani-paniwalang pagkakakilanlan.
Ngunit nawalan na tayo ng balita kung ano na ang nangyari sa planong ito, ngunit nakikipagtulungan ang BSP upang madagdagan ng kahit dalawang pang linya para sa printing facilities at pataasin ang printing capacity ng national ID cards mula sa 80,000 bawat araw hanggang sa 130,000 bawat araw.
Sana lang ay matapos na ang problema sa pagkakaantala dahil noong nanawagan tayo na magparehistro ay marami ang tumalima at ngayon ay umaasa na makukuha na ang PhilIDs pero hanggang ngayong magpa-Pasko na ay wala pa rin at maging si P-BBM ay naiinip na.
Anak Ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com
टिप्पणियां