top of page
Search

Napakaraming buhay ang muntik nang masira

BULGAR

ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | September 10, 2021



Napakaraming buhay ng ating mga kababayan ang naisalba sa tiyak na kapahamakan bunga nitong operasyon ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Philippine National Police (PNP) noong Martes.


Tila hindi maubus-ubos ang salot ng lipunan na patuloy sa pagpapakalat ng droga na kahit tinutugis ng maykapangyarihan ay walang takot na sinisira ang kaisipan at kinabukasan ng kabataan kapalit ng malaking kita.


Itinatayang nasa 500 kilo ng ‘shabu’ o crystal meth ang nasakote ng mga Anti-narcotics operatives sa buy-bust operation sa Zambales na nagresulta sa pagkasawi ng apat na Chinese national na pinaniniwalaang bahagi ng ‘big-time drug syndicate’.


Nakilala ang mga nasawi na sina Gao Manzhu, 49-anyos; Hong Jianshe, 58; Eddie Tan, 60, na lahat ay pawang nagmula sa Fujian, China; at isang Xu Youha, 50, na mula naman sa Quezon City na kapwa nagtamo ng mga tama ng baril sa iba’t ibang bahagi ng katawan.


Ayon sa PNP, ang naturang operasyon ay isinagawa ng PDEA sa pamamagitan ng impormasyong ibinahagi ng Intelligence Service ng Armed Forces of the Philippines (ISAFP), ang National Intelligence Coordinating Agency (NICA) at ng Bureau of Customs (BOC).


Ibig sabihin, hindi basta-basta ang naisagawa nilang trabaho dahil kinailangan itong paggugulan ng napakahabang panahon para lamang sa isinasagawang surveillance operation para makabisado ang galaw ni Xu Youha na isa sa pinakamalaking galamay ng illegal drugs activities sa bansa.


Naisakatuparan ang napakadelikadong misyon bandang alas-11:30 ng umaga noong Martes sa Barangay Libertador, Candelaria, Zambales matapos na magpanggap ang operatiba ng pamahalaan na bibili ng isang kilong shabu sa grupo ni Xu Youha kasama ang tatlo pang salarin.


Sa gitna ng negosasyon ay nagkahalataan na buy-bust operation ang naturang drug deal kaya nagkaroon ng habulan na humantong sa palitan ng mga putok na nagreulta nga sa pagkasawi ng mga salarin.


Nakuha sa naturang operasyon ang 500 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng tumataginting na P3.4 bilyon at kabilang sa mga nakumpiska ang apat na baril, isang kotse, apat na cellphone at dalawang Chinese passports.


Lumalabas na ang nakumpiskang droga ay pinalusot sa bansa sa pamamagitan ng pagdaan sa international waters na kalaunan ay sinasalubong ng maliliit na bangka na siya namang naghahatid sa mga coastal area para hakutin naman ng mga lokal na illegal drugs distributors.


Malaki ang tulungang naganap sa pagitan ng iba’t ibang sandatahang lakas ng bansa dahil maging ang PNP ay nagpakalat ng mga helicopters at speedboats upang umasiste sa pagtugis sa bangka kung saan nakumpiska ang bulto-bultong droga sa karagatang bahagi ng Zambales.


Isang oras lang ang nagdaan ay panibagong bulto na naman ng shabu ang nasabat ng operatiba ng pamahalaan sa m checkpoint sa bayan ng Hermosa, Bataan kung saan karagdagang 80 kilo na na naman ang nakumpiska sa pag-iingat ng tatlo ring Chinese nationals.


Umabot sa halagang P544 milyong halaga ng shabu ang nakuha sa pag-iingat ng mga nasakoteng salarin na sina Qing Chang Zhou, 37 anyos; Cai Cai Bin, 49; at Longcai Chang, 45 na lahat ay tubong Fujian, China at residente ng Binondo, Manila.


Sa kabuuan ay umabot ng halos P4 bilyon halaga ng shabu ang nakumpiska na pinakamalaki sa lahat ng nasakote para sa taong 2021 at inaasahang madaragdagan pa dahil hanggang sa kasalukuyan ay patuloy pa rin ang isinasagawang operasyon para sa posibleng kasabwat pa ng mga salarin.


Alam ba ninyong bago pa man naisagawa ng naturang operasyon ay anim na suspek din ang nasakote nang salakayin ng operatiba ng pamahalaan ang drug den sa Zambales noong nagdaang Marso ng taong kasalukuyan.


Unang linggo ng Abril ng taon ding ito ay sampung salarin naman ang naaresto ng pinagsanib na puwersa ng PNP at PDEA nang salakayin ang isa na namang drug den sa nabanggit ding lugar.


Nitong nagdaang Agosto lamang ay limang salarin din ang nadakip sa drug den na hinihinalang responsable sa pagpapakalat ng droga sa isang barangay din sa Zambales at napakarami pa ng mga insidenteng nabuwag ng maykapangyarihan ang operasyon ng ilegal na droga sa bansa.


Sa dami ng mga nasasakoteng droga na hindi na nakakapanira ng buhay ng ating mga kababayan ay dapat nating bigyan ng pagpapahalaga at papuri ang operatiba ng ating pamahalaan dahil kung hindi sa kanilang pagpupunyagi araw at gabi ay hindi masasabat ang ganito kalalaking halaga ng ‘shabu’ na nakatakda sanang ikalat ngayong Kapaskuhan.


May nakakalusot mang droga sa iba’t ibang barangay hanggang sa maliliit na bayan ng mga lalawigan sa bansa, hindi na ganung ka-talamak at patuloy na itong tinutugis.


Hindi man maubos ang mga gahamang walang pakialam kahit makasira ng buhay basta’t kumita lamang ng malaking pera, sama-sama naman tayong lumalaban sa problemang ito ng bansa.


Isang panawagan lang sa PDEA, bantayn niyong mabuti yang nakumpiska ninyo, at kumuha nang agad ng permiso sa korte na sirain. Nang walang makapagsabi pa na baka mapalitan at umabot pa sa lansangan.


Anak Ng Teteng!

 

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

0 comments

Comentarios


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page