ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | October 30, 2020
Kahapon ay sinimulan nang ipatupad ang pagsasara ng mga sementeryo sa buong National Capital Region (NCR) at nakatakdang buksang muli ngayong Nobyembre 4, ayon sa napagkasunduan ng Metro Manila Mayors.
Sinundan din ito ng maraming lalawigan sa buong bansa dahil isa umano ito sa mabuting paraan upang mapigilan ang pagkakahawa-hawa sa COVID-19, lalo pa at nasa yugto na tayo nang patuloy na pagbaba ng kaso ng naturang virus.
Dahil ipinagdiriwang natin ang mismong Araw Ng Patay tuwing Nobyembre 1, taun-taon ay naging tradisyon na bago pa man dumating ang naturang petsa ay nagtutungo na sa sementeryo ang marami sa ating kababayan para ayusin ang puntod ng kanilang kaanak.
Kabilang sa pag-aayos ang paglilinis, pagpipinta at pagsasaayos kung meron mang nasira o dapat nang kumpunihin upang pagdating ng mismong Araw Ng Patay ay sabay-sabay ang mga magkakaanak na nagtutungo sa sementeryo upang magdiwang at manalangin.
Ito rin ang panahon na dapat kumita ang mga taong ang hanapbuhay ay magbantay sa sementeryo at maglinis ng mga puntod, ngunit dahil sa dalang ng mga taong nagpupunta ay humina ang kanilang kita dahil kakaunti umano ang nagbabayad.
Karaniwang tanawin ang pagdagsa sa mga sementeryo ng makapal na dagsa ng tao na siyang nais iwasan ng ating Inter-Agency Task Force (IATF) on Emerging Diseases upang maiwasan nga ang siksikan na lubhang napakadelikado.
Sa ngayon ay iba-iba ang sistema ng ating mga barangay sa pagpapatupad ng pagpasok sa sementeryo dahil may ilan na hinati-hati ang mga tao sa ilang grupo at ‘yun lamang ang papayagang pumasok depende kung ano’ng araw sila pinayagang pumasok.
Hindi rin relax ang mga taong nagtutungo sa sementeryo dahil bukod sa nakasuot sila ng facemask at face shield ay mahigpit ang pagbabantay sa kanilang physical distancing, may mga sementeryo pa na bukod sa kinukuha ang kanilang temperatura ay pinalalagda pa sa form para naman sa contact tracing.
Kapansin-pansin ang medyo malungkot na tanawin sa sementeryo dahil limitado ang mga taong nagtutungo na halos nasa 20 hanggang 30 porsiyento lamang at karaniwan ay hindi umano nagtatagal.
Malaki rin umano ang ibinagsak ng bentahan ng bulaklak dahil nawala ang siksikan at agawan ng mga mamimili sa Dangwa na gumagawa ng iba’t ibang disenyo ng bulaklak na isa sa mga pinakatampok sa pagdiriwang ng Araw Ng Patay.
Kung dati ay pinananabikan ang kabuuan ng Undas dahil sa kasiyahang dulot nito sa pagtungo sa sementeryo, na kasabay na nang reunion ng mga magkakamag-anak ay tila hindi na ngayon dahil sa limitado lang bawat puntod ang puwedeng pumasok.
Nitong mga nakalipas na araw ay marami pa rin ang nakitang naglilinis ng kanilang mga puntod ngunit matapos mag-iwan ng bulaklak, magtirik ng kandila at mag-alay ng panalangin ay agad na ring nag-aalisan.
Wala na rin ang senaryo na buong magdamag na nananatili ang mga magkakamag-anak sa puntod at may dalang mga pagkain na bukod sa pagdarasal ay masayang nagkakainan at nagkukuwentuhan hanggang kinabukasan.
Napakalaki ng ipinagbago ng pag-alala natin sa Undas, kasama ng napakaraming pagbabago sa sistema ng ating buhay at lahat ng ‘yan ay dahil sa pagmamahal ng ating pamahalaan na huwag tayong mahawa sa pandemyang ito.
Gayunman, huwag nating kalimutan ang diwa ng Undas, ang paggunita at pagdakila sa mga namayapang mahal natin sa buhay at ang pag-aalay ng dasal para sa kanila. Umaasa tayong sa susunod na Undas ay malaya na nating makakapiling sa mismong araw ng pagdiriwang ang mga mahal nating namayapa.
Anak ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o
mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com
Comments