ni Madel Moratillo | February 13, 2023
Iniimbestigahan na ng Department of Education (DepEd) ang sinasabing pamamahiya umano sa dalawang high school students sa Cebu City matapos akusahang nagkopyahan sa periodical exam.
Batay sa ulat sa telebisyon, kinunan pa umano ng guro ang ginagawang panenermon sa mga nasabing estudyante saka ito ipinost online. Itinanggi naman ng isa sa mga estudyante na nangopya ito.
Sa takot na ma-bully, mas gusto na lang umano nitong manatili sa bahay, hindi na rin umano ito makatulog dahil sa pangyayari.
Hindi umano niya alam na naka-video pala ang pangyayari at ini-upload pa ito sa TikTok ng guro.
Giit naman ng isang magulang, dapat ay ipinatawag na lang sila sa eskuwelahan.
Batay sa ulat, ilang araw na rin umanong hindi pumasok sa trabaho ang nasabing guro.
Ayon sa principal ng Tisa National High School, nais lang umano ng guro na ipaalam na masama ang pangongopya pero aminadong mali ang naging paraan nito.
Paalala naman ng DepEd sa mga guro, obserbahan ang mga polisiya ng DepEd partikular ang mga nagbibigay proteksyon sa mga bata.
تعليقات