ni Justine Daguno - @Life and Style | January 23, 2022
Napakabilis ng panahon, tapos na ang pangatlong linggo ng January!
Bagama’t tapos na nga ang pagdiriwang ng pagsalubong sa Bagong Taon sa mga Pinoy at iba pang lahi, sa susunod na buwan pa lamang magdiriwang ng New Year ang mga Chinese sa buong mundo, kung saan tinatawag din itong Lunar New Year dahil nakabase ang petsa ng selebrasyon sa mga yugto ng buwan.
Ibang lahi man kung iisipin, malapit sa atin ang tradisyon ng mga Chinese, sapagkat malaking porsiyento ng ating populasyon ay Chi-Noy o Chinese-Pinoy ang lahi. Gayundin, kahit walang bahid ng pagka-Chinese ang ilan, marami sa ating mga kababayan ang sumusunod sa kanilang mga pamahiin sa paniniwalang tunay ang suwerte.
Kasabay ng pagdiriwang ng Lunar New Year, narito ang ilan sa mga diumano’y pampasuwerte at pag-iwas sa malas sa buong taon:
PAGPAPAGUPIT NG BUHOK. Marami ang naniniwala na dapat new year, new hair. Pero bago pumunta sa mga salon, wait muna. Sa kasabihan kasi ng mga Chinese, oks magpagupit ng buhok sa bisperas ng Chinese New Year bilang simbolo ng paghiwalay sa patapos na taon. Pero take note, huwag na huwag sa araw mismo ng Lunar New Year dahil pinaniniwalaan namang mapuputol ang pagpasok ng magandang kapalaran sa bagong taon.
PAGSA-SHAMPOO. Iwasan din ang pagsa-shampoo ng buhok sa mismong araw ng Lunar New Year dahil para sa mga Chinese, pampawala ito ng suwerte. Kumbaga, puwedeng maligo, pero ‘wag magbabad at tamang banlaw lang ng tubig ang gawin. Isa pang rason kung bakit may ganito silang tradisyon ay dahil pang-iwas din umano ito sa mga sakit, kung saan kapag nagkasakit sa Chinese New Year, mamalasin na raw nang buong taon.
PAGLILINIS NG BAHAY. Kailangang maglinis ng bahay sa bisperas nang matanggal ang lahat ng malas na dumating noong nakaraang taon. Dapat mag-focus sa paglilinis dahil kailangang matapos ang paglilinis bago maghating-gabi at hindi ito dapat abutan ng pagpasok ng Lunar New Year. Ipinagbabawal ang anumang uri ng paglilinis sa unang araw ng bagong taon — mula sa pagwawalis ng kalat, pagpupunas o pagpapagpag ng alikabok hanggang sa pagtatapon ng basura sapagkat katumbas ito ng pag-aalis o pagsasayang ng buwenas.
PAGHAHANDA NG SIOMAI. Hindi lang masarap o paborito ng marami sa atin ang siomai at iba pang uri ng dumplings, dahil para sa mga Chinese ay pampasuwerte ang mga ito. Ang Chinese word para sa dumplings ay “jiao zi”, tulad ito sa ancient word na ang ibig sabihin ay pagpapalit ng bago sa luma. Tulad din ang tradisyunal na dumplings sa hugis ng ginto na ginagamit na pera noong sinaunang panahon sa China. Kaya ang isang platong dumplings ay maihahalintulad sa isang tumpok na ginto. In short, tila pagma-manifest ng kaperahan ang ibig sabihin ng dumplings kapag naghanda o kumain ng dumplings sa Lunar New Year.
5. PAGHAHANDA NG TIKOY. Kapag sinabing Chinese New Year, aminin nating isa ang tikoy sa mga bagay na pumapasok sa ating isipan. Ito ay dahil nakasanayan na ang pagreregalo at paghahain nito bilang simbolo ng mahigpit na pagsasama ng pamilya, magkakaibigan at magkakatrabaho. Anila’y dumidikit o sa pamamagitan nito’y dirikit ang suwerte sa atin dahil sa malagkit na pagkaing ito.
6. PAG-IWAS SA MATALIM NA BAGAY. Sa mismong araw ng Lunar New Year, makabubuting iwasan ang paggamit ng matatalim na bagay, tulad ng gunting, kutsilyo at karayom. Sa paniniwala pa ng mga Chinese, kung may baby sa bahay, maaari umanong maging kasing liit ng butas ng karayom ang mga mata ng baby kapag gumamit ang mommy nito ng karayom sa anumang gawain. Samantala, kapag kutsilyo at gunting naman ang kanyang ginamit, mapuputol daw ang yaman ng pamilya.
Ilan lamang ang ating mga nabanggit sa napakahabang listahan ng pamahiin ng mga Chinese. Bagama’t walang scientific explanation, hindi maitatangging marami sa atin ang naniniwala sa mga ito – Chinese man o hindi. Para sa mga Pinoy, walang mawawala kung maniniwala dahil kung titingnan nga naman ang status ng buhay ng mga Chinese, mayaman o asensado sila.
Pero tandaan, totoo man o ideya lang ang “suwerte”, kailangan pa rin nating magbanat ng buto dahil kailanma’y wala sa “sabi-sabi”, kundi sa pagsisikap at tiyaga nakukuha ang tunay na ginhawa sa buhay. Ganern!
Comments