ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | October 27, 2020
Salaminin natin ang panaginip ni Ayesha na ipinadala sa Facebook Messenger.
Dear Professor,
Ano’ng kahulugan ng panaginip ko na nasa ospital ako, tapos biglang nanilaw ang buo kong katawan at nag-palpitate ako?
Naghihintay,
Ayesha
Sa iyo, Ahesha,
Ang isa sa mga sintomas ng sakit sa liver o atay ay ang paninilaw ng katawan. Minsan naman, kaya nanilaw ay nasobrahan sa pag-inom ng vitamins, pero ang ganitong paninilaw ay hindi ikinokonsiderang sakit dahil mabilis din namang bumabalik sa dating kulay ang balat.
May isa pang sanhi ng paninilaw ng balat at ito ay ang nasobrahan sa pagkain ng papaya. Ang nakatutuwa na nakagugulat dito ay ang taong nanilaw dahil sa pagkain ng papaya ay nagiging kulay dilaw din ang anumang bagay na mahawakan ng kanilang kamay.
Sa iyong panaginip, ang nakitang dahilan ay maaring pagkakamali ng doktor, nurse o bantay at hindi tama ang napainom na gamot sa iyo. Idagdag pa ang pagpalpitate mo na isa ring senyales ng hindi tamang pagpasok sa katawan ng maling gamot.
Dahil dito, iha, ang panaginip mo ay nagbababala na kapag nagkasakit ka, dapat ay alam mo kung ano ang gamot na ipaiinom sa iyo. Karapatan ng bawat pasyente na malaman kung ano ang pinaiinom o ginagawa sa kanya ng doktor.
May pagkakataon na ang babala na nasabi ay hindi para sa iyo dahil puwedeng ito rin ay para sa mahal mo sa buhay na magkakasakit at madadala sa hospital.
Hanggang sa muli,
Professor Seigusmundo del Mundo
Comments