top of page
Search
BULGAR

Nangyayari sa panahon ng pandemya… Milyun-milyong reklamo laban sa online child sexual abuse sa

‘Pinas, ‘wag dedmahin!


ni Kuya Win Gatchalian - @Win Tayong Lahat | January 11, 2022



Hindi natin maitanggi ang pagkadismaya dahil lumalabas na muli na namang lumobo ang bilang ng mga reklamo sa online child sexual abuse sa bansa.


Noong 2021, nakatanggap ang Department of Justice ng 2.8 milyong ulat ng online sexual abuse.


Mahigit doble ito sa 1.3 milyong naiulat noong 2020. Ayon sa DOJ Office of Cybercrime (OOC), karamihan sa halos tatlong milyong ulat na natanggap ay maituturing na hindi actionable dahil naisumite na umano ang mga ito ng makailang ulit at itinuturing na mapanlinlang o kaya ay mali ang pagkakaulat.


Gayunman, ayon sa annual report ng DOJ OOC, umabot sa 268 ang mga kaso ng online sexual exploitation of children (OSEC) na iniimbestigahan na ng naturang opisina. Ang bilang ay mas mataas ng apat na beses sa 73 na naitala noong 2020.


Dahil patuloy na hinaharap ng kabataan ang banta ng iba’t ibang uri ng karahasan sa gitna ng pandemya, nais bigyang-diin ng inyong lingkod na napapanahon ang pag-amyenda ng Kongreso sa mga batas kontra human trafficking upang mas mapaigting ang pagsugpo sa OSEC at iba pang anyo ng human trafficking.


Noong Nobyembre 2021, naging co-sponsor tayo ng Senate Bill No. 2449 o ang Expanded Anti-Trafficking Act of 2021. Layon nitong naturang panukala na patatagin ang Republic Act No. 9208, na una nang naamyendahan ng Republic Act No. 10364, upang maglatag ng mga pamantayan sa imbestigasyon, surveillance, pagharang at pag-usig sa iba’t ibang anyo ng human trafficking.


Binibigyang-diin ng naturang panukala ang mga papel at responsibilidad ng internet intermediaries, mga may-ari at operator ng internet cafes, hotspots at kiosks, money transfer at remittance centers, mga bangko, money service businesses, mga kompanya ng credit card at financial institutions upang masugpo ang human trafficking.


Layon din ng naturang panukala na palawakin ang Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) upang mapabilang ang mga ahensiya, tulad ng Department of Health, Department of Education, Department of Information and Communications Technology, Department of Transportation, Department of Tourism, National Council on Disability Affairs, at ang Council for the Welfare of Children.


Dapat ding paigtingin ang papel ng Child Protection Program ng DepEd upang dagdagan ang kaalaman ng mga mag-aaral tungkol sa OSEC at iba pang uri ng karahasan sa kabataan.


Mahalaga ang pagpapatatag natin sa mga batas kontra human trafficking. Sa kabila ng patuloy na pagtaas ng mga kaso ng pang-aabuso gamit ang internet, kailangan nating paigtingin ang pagbibigay-proteksiyon sa kabataan at pagharang sa ganitong klaseng mga pang-aabuso.


 

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page