ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | October 16, 2020
Salaminin natin ang panaginip ni Braynt na ipinadala sa Facebook Messenger.
Dear Professor,
Ano ang ibig sabihin ng magkasama kami ng asawa ko sa isang ilog na mababaw at malinis, tapos nanghuhuli kami ng isda? May nakita kaming isda na malaki ang tiyan, hinuli at inilagay ko sa basket na hawak ng asawa ko. ‘Yung paisa-isang lumalangoy papunta sa kinatatayuan namin ay hinuli ko lahat at inilagay sa basket.
Naghihintay,
Braynt
Sa iyo, Braynt,
Noon pa man hanggang ngayon, ang isda ay sinisimbolo ng suwerte at dahil dito sa mundo ay maraming klase ng suwerte at para mas malinaw, ang isda ay nagsasabing masaganang buhay ang darating sa inyo.
Ang masaganang buhay ay may iba’t iba ring larawan, pero sa isda, ito ay ang “walang gutom dahil maraming biyaya.” Kumbaga, kaligtasan sa taggutom o kahirapan. Isang magandang balita ito para sa inyo ng iyong asawa. Sa dinaranas natin na paghihirap dahil sa COVID-19 pandemic, kayo ng asawa mo ay pinaniniwalaang hindi mapabibilang sa naghihirap kundi mapabibilang sa gumaganda ang buhay.
May isang paglilinaw para sa iyong kaalaman nang hindi kayo maligaw ng paniniwala. Kapag isda ang napanaginipan na tulad ng nasabi na simbolo ng suwerte, ang nanaginip ay pinapayuhan na huwag magbabago ng paniniwala sa kanyang Diyos na kinikilala.
Ibig sabihin, dapat ay malapit kayo sa langit, gumawa ng mabuti sa kapwa at magkawang-gawa. Ang isda ay hindi pangkaraniwang isda kapag napanaginipan dahil ito ay si Lord Jesus Christ mismo, ang Tagapaglitas.
Hanggang sa muli,
Professor Seigusmundo del Mundo
Comments