Dear Roma Amor - @Life & Style | August 17, 2020
Dear Roma,
Ako si Nick, 26, at kahihiwalay lang namin ng ex-GF ko. Mahigit isang taon ang aming relasyon at sa loob ng panahong ‘yun, sobrang saya namin. Pero umabot sa point na gusto ko munang magpahinga sa aming relasyon dahil pakiramdam ko, routine na lang ito. Kumbaga, ginagawa na lang dahil nakasanayan at hindi ginagawa dahil mahal namin ang isa’t isa. Humingi ako ng space sa kanya kahit saglit lang, pero hindi siya pumayag dahil iniisip niyang sa hiwalayan papunta ‘yun kahit wala akong balak makipag-break.
Sa sobrang inis ko, bigla ko na lang siyang hindi kinausap, ghosting, kumbaga. Halos 2 months kaming hindi nag-usap at noong nami-miss ko na siya, ini-stalk ko ang socmed account niya at napansin kong may lalaki na panay react sa bawat post niya. Nalaman ko na sila na at wala na akong chance para balikan siya.
Napakasakit nu’n dahil sa sandaling panahon na ‘yun, nakahanap agad siya ng iba.
– Nick
Nick,
Umaabot talaga sa punto na parang “routine” na lang ang takbo ng relasyon, at kahit gustuhin nating ayusin ito sa pamamagitan ng paghingi ng space o ‘ika nga, cool-off, hindi pabor dito ang kabilang partidos sa lahat ng oras. Gayunman, kung sa tingin mo ay huli na ang lahat, mabuting mag-move on ka na. Baka lalo kang masaktan kung maghahabol ka sa bagay o tao na wala nang pagmamahal sa ‘yo. Sa ngayon, pagtuunan mo ng pansin ang iyong sarili para maging better. Good luck!
Comments