ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | Pebrero 5, 2024
Dear Chief Acosta,
Ako ay natanggal sa trabaho sapagkat palagi akong absent at late, dala na rin ng aking pagdadalang-tao at pag-aalaga sa aking maliliit na anak. Tatlong araw pagkatapos na ma-terminate ako sa aking trabaho ay ipinanganak ko ang aking pangatlong anak. Maaari pa rin ba akong makakuha ng maternity benefits kahit na nanganak ako nang wala na ako sa aking pinagtatrabahuhan? - Hana
Dear Hana,
Para sa iyong kaalaman, ang probisyon ng batas na nakasasaklaw sa iyong katanungan ay ang Section 8 ng Republic Act No. 11210 o mas kilala sa tawag na “105-Day Expanded Maternity Leave Law”, kung saan nakasaad na:
“Section 8. Maternity Leave With Pay in Case of Childbirth, Miscarriage, or Emergency Termination of Pregnancy After the Termination of an Employee’s Service. — Maternity leave with full pay shall be granted even if the childbirth, miscarriage, or emergency termination of pregnancy occurs not more than fifteen (15) calendar days after the termination of an employee’s service, as her right thereto has already accrued: Provided, That such period is not applicable when the employment of the pregnant woman worker has been terminated without just cause, in which case the employer will pay her the full amount equivalent to her salary for one hundred five (105) days for childbirth and sixty (60) days for miscarriage or emergency termination of pregnancy based on her full pay, in addition to the other applicable daily cash maternity benefits that she should have received had her employment not been illegally terminated.”
Malinaw sa nakasaad sa nasabing batas na ang mga babaeng manggagawa ay mabibigyan pa rin ng maternity leave benefits sa ilalim ng “105-Day Expanded Maternity Leave Law” kung sila ay manganganak, magkakaroon ng miscarriage, o emergency termination ng kanilang pregnancy, nang hindi hihigit sa 15 araw pagkatapos ng pag-terminate ng serbisyo ng nasabing manggagawa.
Sapagkat ikaw ay nanganak tatlong araw matapos kang matanggal sa iyong trabaho, maaari ka pa ring makakuha ng maternity leave benefits ayon sa batas.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.
Comments