ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | Nov. 16, 2024
“I do not know her. I did not recognize her because of her new hairdo.” Ito ang sinabi ng dating pangulo na hindi niya kilala ang taong itinuturing na mortal niyang kalaban.
Sa mga sumunod na sandali, inihayag nito na hindi niya nakilala ang dating senadora dahil bago ang kanyang hairdo. At nakuha pa ng dating pangulo na ambahang susuntukin ang katabi niyang dating senadora.
Ganito na lang ba ang buhay? Lahat ay biro, at lahat ay kababawan? Ganoon nga ang naging buhay natin noong nakaraang administrasyon. Ganu’n siya noon at gayundin siya ngayon. Tila hindi niya kinikilala ang karapatan at dangal ng karaniwang tao.
Kaydaming namatay sa ngalan ng war on drugs.
Paboritong salita niya, “Kill, kill, kill!” Pero maski na sa katayan ng hayop, hindi mo maririnig ang marahas na salitang ito. Sa maraming mga bansa, magdarasal pa ang matador bago patayin ang hayop. Magpapaalam, hihingi ng paumanhin at patawad dahil hihiramin niya ang buhay ng hayop para bigyang buhay ang iba. Oo, maski na hayop kailangang igalang, kilalanin ang kanilang dangal. Dumarami na rin ang tumututol sa pagpatay ng hayop at sa karahasan gaya ng pagkulong, pagkatay, pagpipira-piraso sa mga ito para maging pagkain ng tao. Paano na kung ganoon din ang tingin ng isang makapangyarihang tao sa mga maliliit, mahihirap at walang pangalan?
Inamin ng kanyang mga pulis ang mahigit anim na libong biktima ng kanilang “tokhang.” Ngunit, sa bilang ng mga iba’t ibang grupo na sinundan ang mga extrajudicial killings (EJK) ng panahong iyon, umabot ng halos 30 libo o higit pa ang mga buhay na ibinuwis at winalis na parang alikabok na nakadudumi ng paligid.
Salamat sa dating senadorang matapang, maprinsipyo na may dangal at ipinagtatanggol ang karapatan ng mga maliliit, kaya nagising at namulat ang marami sa pag-iral ng kadiliman at ang tahimik na atungal ng mga pinaslang para sa katotohanan at katarungan.
Salamat Leila de Lima, na naging tinig ng mga maliliit at mahihirap na ginamit na huwad, pekeng dahilan at sanhi ng kahirapan. Droga, ang salot na nagpapahirap sa bansa. Burahin, linisin ang mga pamayanan ng salot na ito. Walisin ang mga utak na sunog, walang silbi para maging ligtas, maunlad at maganda ang lipunang kinakawawa ng droga.
Alam ng marami na droga ang nagiging salot ng lipunan. Pero hindi sagot ang pagpatay ng mga user, pusher, at napakaraming ganoon na lang na napagbintangan sa itinuturing na pangunahing salot.
Ngunit, madaling napaniwala ang marami na droga nga ang problema. Madali ring napaniwala ang marami na ang pagpatay ang pinakamabisang paraan ng pagbura at pagsugpo sa salot. Kaya’t tumahimik ang marami. Tumahimik ang mga pulitiko. Tumahimik ang mga simbahan. Tumahimik ang media. Tumahimik ang mga business. Tumahimik ang mayayaman at makapangyarihan. Tumahimik din ang mahihirap at mahihina. Ngunit, hindi tumahimik si dating Senadora Leila.
Kinagabihan ng Miyerkules, ang paghaharap ng mortal na magkalaban, ang dating presidente at dating senadora, muling umingay ang social media. Muling nabuhay ang mga trolls, ang dating tropa ng “fake news” at personal, below the belt na banatan at patutsadahan. Ganoon ng mga panahong iyon ang kapaligiran. Humanda na pagpistahan ng mga trolls kung magsasalita ng taliwas o kontra sa nakaupo sa Malacanang. Mabisang pamamaraan ng pagpapatahimik. Kuyog sa social media.
Ngunit, kung katotohanan ang tinatayuan mo, kung prinsipyo ang kalasag, kung Diyos ang kakampi, marahan at mahinahong bibigkasin mo ang katotohanan sa kabila ng makapal, laganap, maingay at samo’t saring panlalait, pambabatikos, pang-iinsulto, pagmumura.
Oo, hindi nila kilala. Hindi nila kinikilala ang mga naghahatid ng katotohanan. Hindi nila kilala at hindi nila papayagang maghasik ng liwanag ang mga kalaban ng kasinungalingan at karahasan.
At mabilis na naging malawak na piitan ang buong lipunan ng mga tumahimik at pinatahimik. Subalit isang babae sa pag-aakalang mapapatahimik, matatakot, madudurog nila ang dangal at pagkatao nito ay malaya na ngayon na nagnanais maghatid ng katotohanan.
Comments