ni Erlinda Rapadas @Teka Nga | Nov. 17, 2024
Photo: Ariel at Gelli - socmed
Malaki ang iginanda at ibinata ng hitsura ngayon ni Gelli de Belen, hindi mo aakalain na may mga binata na siyang anak.
Mismong ang King of Talk na si Boy Abunda ang humanga kay Gelli nang mag-guest sa birthday episode ni Abunda sa Fast Talk with Boy Abunda (FTWBA) kasama ang mister nitong si Ariel Rivera.
At habang nagtatagal ang pagsasama nina Ariel at Gelli, lalong nagmumukhang bagets ang aktres.
Kuwento nga ni Ariel, napagkamalan siyang tatay ni Gelli noong nagbakasyon sila sa Canada. At nu'ng minsan naman, napagkamalan din siyang bodyguard ng misis.
Happy ang married life ni Gelli, kaya mukha siyang bata at maganda pa rin, at ang sikreto raw ng kanilang matagal na pagsasama ni Ariel ay hindi sila nag-aaway. Kung may mga bagay na hindi nila mapagkasunduan, idinadaan nila sa diskusyon at hindi nauuwi sa away. Pareho rin silang hindi seloso-selosa at may tiwala sa isa’t isa.
'Di na lang sila pang-love team…
MAY-EDAD NANG AKTRES, BUMIBIGAY NA SA ACTOR-POLITICIAN NA SUPER GENEROUS MAGREGALO
BLIND ITEM:
MARAMI ang nagsasabing hindi lang pang-promo sa kanilang serye ang panunukso ngayon sa may-edad nang aktres at sa actor-politician.
Ayon sa ilang malapit sa actor, type niya ang magandang aktres kahit medyo may-edad na ito. Wala namang magiging problema dahil single ang status ng veteran actress.
Noong kanyang kabataan at kasikatan, kinababaliwan at pinagpapantasyahan siya ng maraming aktor.
Sa isang guwapong action star siya umibig at nagkaroon ng mga anak. Pero ngayon ay may sariling pamilya na rin ang mga anak ng magandang aktres, kaya naghahanap siya ng kalinga at pagmamahal.
May mga umaaligid na gustong manligaw sa may-edad nang aktres, pero medyo choosy pa siya at nag-iisip kung muli siyang makikipagrelasyon.
Kaya nagtanung-tanong muna siya sa ilang kaibigang artista tungkol sa background ng actor-politician na pumoporma ngayon sa kanya. Kilala rin kasing matinik sa chicks ang machong actor-politician.
Dalawang beauty queens-actresses ang kanyang mga ex-GFs. At lately, mukhang bumibigay na ang may-edad na aktres matapos makausap ang beauty queen-actress na dating nakarelasyon ng actor-politician na napaka-generous daw kung magregalo.
Hihintayin na lang ang pag-amin nila sa publiko.
LABIS na ipinagpapasalamat ni ER Ejercito ang pagdamay ng mga kasamahan niyang artista noong pumanaw ang kanyang kabiyak na si Maita Sanchez dahil sa kanser.
Dating mayor ng Pagsanjan si Maita, at ito ang balwarte ng mga Estrada, kaya rito siya ibinurol.
Dumating at nakiramay kay ER Ejercito sina Sen. Bong Revilla, Jr., Sen. Jinggoy Estrada, Phillip Salvador, Azenith Briones, atbp..
Nagluluksa man sa pagpanaw ng kanyang asawa, kailangan ni ER na maging matatag para sa kanyang mga anak. At marami siyang dapat ayusin ngayong kumakandidato siyang mayor ng Pagsanjan, Laguna.
Dati nang nanungkulan na gobernador ng Laguna si ER. Malaki ang malasakit niya sa Pagsanjan, kaya muli niyang itutuloy ang mga proyektong nasimulan niya. At alam niyang gagabayan siya ng yumao niyang asawa na si Maita Sanchez.
TWENTY-NINE years nang umeere sa GMA-7 ang Bubble Gang. Kaya, kakaibang episode ang handog ng show sa kanilang mga loyal viewers.
Two-part special ito na may kakaibang concept dahil sinamahan ng musical numbers at mga original Tagalog songs na binali at binigyan ng bagong areglo upang maaliw at maka-relate ang mga viewers ng Bubble Gang.
Kaya hindi boring panoorin ang BG dahil lagi silang may mga bagong idea at sumusunod kung ano ang uso sa henerasyon ng mga GenZ.
Malaking hamon sa buong cast ng Bubble Gang ang makapagpasaya sa halos tatlong dekada nilang pamamalagi sa ere.
Comments