top of page
Search
BULGAR

Nanay at tatay, read n’yo ‘to! Mga pag-iingat para sa mga bagets, alamin!

ni Justine Daguno - @Life and Style | November 20, 2021




Alert Level 2 na, puwede na lumabas at makapamasyal ang ating mga bagets!


Siyempre, sa halos dalawang taon ba naman nilang na-lockdown, hindi natin sila masisisi kung manabik sila na pumunta sa park o mag-mall. Pero wait, kahit pa mas pinaluwag na ang direktiba mula sa gobyerno, tandaan na may COVID pa rin sa paligid, hindi pa tayo totally safe!


Kaya naman sa mga magulang at iba pang guardians d’yan na pinagbibigyan silang makagala, narito ang ating safety tips para sa mga kids:

1.‘WAG KALIMUTAN ANG FACEMASK AT FACE SHIELD. Kailangang may facemask at face shield ang mga bata sa lahat ng pagkakataon, make sure lang na komportable sila sa mga ito. Bilang nakatatanda, dapat sundin din natin ang tamang pagsusuot nito.


Siguraduhing nakatakip ang facemask sa ilong at bibig, at hindi nakasuot ang face shield sa ulo kundi sa mukha.


2.MAG-DISINFECT SA LAHAT NG PAGKAKATAON. Likas na makukulit at curious sa lahat ng bagay ang mga bata, kaya hawak dito, hawak doon ang mga ito. Sa bawat pagkakataon na may hahawakan sila, siguraduhing i-spray-an ang kanilang mga kamay ng alcohol at hand sanitizer. Oks din kung ipaiintindi sa kanila ang kahalagahan nito para sa kanilang kaligtasan.


3.GAWIN ANG SOCIAL DISTANCING. Kapag nasa mall o pasyalan na, marami na ang nakakalimot sa social distancing o ‘yung bawal magdikit-dikit dahil sa katwirang nasa iisang bahay lang naman ang mga ito. Pero tandaan na ang prebilehiyo ay hindi inaabuso. Hindi porke may katwiran ay hindi na susunod.


4.PALAGING MAGPAALALA. ‘Wag mapapagod magpaalala sa mga bata, tayo ang nakatatanda at mas may isip, kaya dapat mahaba ang ating pasensiya, kaya kung hindi natin sila kayang disiplinahin at bigyang-paalala ay ‘wag na silang isama sa labas.

Malaking pagbabago sa buhay ng bawat isa ang pandemya na hanggang ngayon ay hindi pa rin natatapos. ‘Ika nga ay hindi naibabalik ang mga nakasanayan noon, pero kailangan nating gumawa ng paraan kahit paunti-unti upang makapagsimula muli.


Walang masama kung mamasyal tayo, pero dapat safety first!


0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page