ni MC / Anthony E. Servinio - @Sports | July 15, 2021
Umiskor sina Kevin Durant at Bradley Beal ng tig-17 points para itala ng USA basketball team ang kanilang unang panalo sa pre-Olympic tune up games nang tambakan ang Argentina, 108-80, sa Las Vegas at maiwasan ang tatlong sunod na nakahihiyang pagkatalo.
Umambag sa panalo si Zach LaVine ng 15 points para sa US na natalo sa unang dalawang laro nito kontra sa Nigeria at Australia. Umiskor ang USA ng 33 points sa first-quarter upang masiguro ang panalo kontra sa Argentina.
Tumarak din si Damian Lillard ng 13 points habang si Bam Adebayo ay nagtapos na may 12 points, 5 assists at 5 rebounds para sa US. "Just really locked in," ani Adebayo.
Nanguna para sa Argentina si Luis Scola, lalaro sa Olympics sa pang-limang pagkakataon, na umiskor ng 16 points sa 19 minutes na paglalaro, habang sina Nicolas Laprovittola ay may 13, Facundo Campazzo, 12 at Gabriel Deck ay dumagdag ng 10.
Naglalaro ang US na may walong miyembro lang ng Olympic team. Hindi naglaro si Jayson Tatum dahil sa masakit na tuhod habang wala rin sina Khris Middleton, Jrue Holiday at Devin Booker na sumasabak sa NBA Finals. Sunod na haharapin ng USA Team ang Australia sa Las Vegas sa Biyernes.
Samantala, pahinga umano sa paglalaro ang 7-feet-3 inches na player ng Gilas Pilipinas at Adelaide 36ers ng Australian National Basketball League (NBL) na si Kai Sotto at nagbakasyon grande ito sa isla ng Boracay.
Ibinahagi ni Sotto ang litrato sa social media account kung saan kasama nitong nababakasyon ang kanyang pinsan.
Enjoy na enjoy si Sotto sa pamamasyal sa ilang tourists spot sa Boracay at paliligo sa dagat. Nakatuwaan din ni Sotto na subukan ang patok sa mga turistang hair braiding habang nakabakasyon sa isla. Ayon kay Sotto namahinga muna siya dahil sa sobrang pagod din sa training at sa pagsabak sa FIBA Asia Cup qualifiers at sa Olympic Qualifying Tournament.
Inaasahang sasabak din sa paghahanda si Sotto para sa paglalaro ng bansa sa FIBA Asia Cup sa Agosto.
Comments