ni Ador V. Saluta @Adore Me! | August 21, 2024

Matagal nang isinasagawa ng aktres at Pasig City councilor na si Angelu de Leon ang pamimigay ng gulay, prutas, at groceries tuwing sumasapit ang kanyang kaarawan.
Simula nang siya’y maging konsehala ng Pasig, patuloy pa rin niyang isinasagawa ang pamamahagi ng mga basic needs para sa kanyang constituents para sa kanyang Birthday Pasasalamat Community Pantry tuwing Agosto 22, ang kaarawan ni Angelu.
Tagumpay namang nairaos ang nasabing ‘Birthday Pasasalamat’ sa kanyang mga kababayan sa Pasig City noong Agosto 10, subalit nabahiran ng intriga at malisya ang pagkakawanggawa ni Angelu dahil sa isang video post na inaakusahan siya ng pamumulitika at pamimigay lamang ng limang pirasong sitaw sa mahigit 300 residente ng Pasig City, na pumila at nilambing niyang suportahan ang Pulang Araw (PA), ang primetime drama serye ng GMA-7 na kanyang kinabibilangan.
Bumuwelta ang actress-politician sa uploader ng video na aniya’y walang basehang paratang.
Sey ni Angelu, “I do my yearly birthday community pantry as a way of giving back and being grateful to my constituents. Personal ko po ‘to.
“Nahiya naman ako na hindi ito sapat para sa ‘yo, pero I guess, ‘di ka naman taga-Pasig.
“I will promote Pulang Araw because I am proud of our show.”
May paglilinaw din si Angelu tungkol sa sitaw na nakita sa video na kinukuha ng mga residente mula sa community pantry at maging ang mga putol na upo na kanyang ipinamigay.
“Meron hong putol na upo kasi ‘di ko kaya magbigay nang buo, pinuputol namin para meron ang lahat. Ang mahal na pala talaga ng gulay ngayon. Hindi talaga aabot ang 64 pesos sa isang masustansiyang meal per day,” paliwanag ni Angelu.
Ipinagtanggol si Angelu ng kanyang kapwa Pasig City councilor na si Kiko Rustia tungkol sa pambabatikos ng basher.
“Pasensiya na pero mali naman masyado ang tingin mo kay Ms. Anj. Kasama ko siya maglingkod and gaya n’ya, may sarili rin akong pantry sa district ko and we’ve been doing it since before pa.
“Mali naman na i-bash n’yo siya because she is one of the kindest, most generous, and most Christ-centered public servants I know.
“I need to speak about this kasi napakabuting tao ni Ms. Anj. And mali, as in maling-mali ang sinasabi n’yo about her,” depensa ni Rustia.
Bukod kay Kiko, ipinagtanggol din ng kanyang mga kababayan sa Pasig City si Angelu na nagsasabing well-organized ang community pantry ng aktres. Bukod sa mga gulay, tumanggap din daw sila ng bigas, prutas, at groceries.
Comments