top of page
Search
BULGAR

Namudmod na lang ng datung sa mahihirap… CHAVIT, NAOSPITAL DAHIL SA PNEUMONIA, ATRAS NA SA PAGKA-SENADOR

ni Janiz Navida @Showbiz Special | Jan. 14, 2025



Photo: Luis Chavit Singson - FB


Bumilib kay dating Ilocos Sur Gov. Chavit Singson ang maraming kababayan nating dumagsa sa ginanap na launching ng kanyang bagong negosyo na V Bank sa Mall of Asia Arena last Sunday night. 


Sa kabila kasi ng pag-amin ni Manong Chavit na ilang araw siyang naospital dahil sa pneumonia, tumakas lang daw siya sa kanyang mga doctor para personal na magpasalamat at humingi ng paumanhin sa mga taong nagtiwala at sumuporta sa kanya sa balak sana niyang pagtakbong senador sa nalalapit na midterm elections sa Mayo.


Pero kabaligtaran sa inaakala ng lahat na paghingi ng suporta ni Manong Chavit sa kanyang kandidatura kasabay ng launching ng kanyang V Bank ang inanunsiyo ng dating governor nu’ng gabing ‘yun.



Larawang kuha ni: Mars Santos



Sa kanyang mabagal at obyus na may iniindang sakit, ikinuwento ni Manong Chavit na ilang araw na raw siyang hindi nakakatulog dahil tinamaan siya ng pneumonia.


Panimula ng mabait at makarismang pulitiko-negosyante, “Hindi ko na po kailangang hintayin ang halalan o manalo sa posisyon para maramdaman ang tagumpay, dahil para sa akin, ang pinakamahalaga ay nakita ko kayong masaya at makapaglingkod sa inyo na walang hinihinging kapalit.


“Ito po ang pinakamasarap na pakiramdam, ang pakiramdam na panalo na ako dahil sa inyong pagmamahal at suporta.”


Pagpapatuloy niya, “Ngunit bilang lingkod ng bayan, mahalaga rin po ang bigyang-pansin ko ang aking kalusugan. 


“Pagkatapos ng matagal na pag-iisip, ipinatawag ko po ang aking pamilya at ang mga mahal sa buhay. Ipinaalala ko sa kanila na ang kalusugan ay kayamanan.”


Nu’ng isang linggo raw, galing siya sa San Fernando, La Union at tinamaan nga ng pneumonia kaya dinala agad sa ospital.


“Ang problema po, ‘di ako makatulog. Lahat ng klaseng sleeping pills, ibinigay sa akin, hindi pa rin po ako makatulog,” kuwento ni Manong Chavit.


Sa pang-apat na araw, dinala na raw siya sa emergency room at tinawagan ang kanyang doctor dahil ‘di pa rin siya makatulog.


Dumating daw ang mga doctor at ipinaliwanag sa kanya na nagkakumplikasyon ang mga gamot na ibinigay sa kanya at ‘yung pampatulog na inilagay sa kanyang katawan kaya itinigil muna ‘yun.


Bigla raw naalala ni Manong Chavit ‘yung nakalagay sa Bibliya na sabi ni Lord, “‘Pag humingi ka, ibibigay ko.”


“Madalas ko pong marinig ‘yun, kung hihingi ka, ibibigay ko. Ako po, hiningi ko pong dagdagan ang aking buhay. Ayun po, nakatulog po ako sa ika-limang araw,” kuwento pa ng negosyante-pilantropo kaya nagsigawan ang kanyang mga fans. 


Ang ikinagulat nga ng lahat ay ang announcement ni Manong Chavit na, “Mga kaibigan, mahalaga ang maayos ang aking kalusugan para magpatuloy ako sa pagtulong at magbigay ng saya sa inyong lahat.


“Kaya matapos ang mahabang pag-iisip, ang desisyon ko po, hindi na ako tutuloy sa aking kandidatura sa Senado.” 


Ikinalungkot man ng mga fans and supporters ni Manong Chavit ang desisyon niyang ito, nauunawaan at agree naman ang lahat na mas i-prioritize niya ang kanyang kalusugan dahil hindi na nga niya kakayanin ang magtrabaho sa Senado sakali ring manalo siya, bukod pa sa hirap na pagdaraanan niya sa pangangampanya.


Pero wala namang umuwing luhaan dahil bukod sa napakabonggang V Bank launching-concert na inihandog ni Manong Chavit sa lahat na dinaluhan ng mga sikat na performers tulad nina Billy Crawford, Tuesday Vargas, Ai Ai Delas Alas, Bamboo, Gloc 9 at Ez Mil, lahat ay nabigyan ng P580 sa kani-kanilang V Bank account, na kung susumahin ang mga dumalo sa MOA Arena that time na may 10,000 capacity or more, nasa P5.8 M din ang ipinamudmod ni Manong Chavit at ng kanyang anak na si Congresswoman Richelle Singson that night.


Bongga talaga! 


Well, pagaling ka, Manong Chavit at marami ka pang misyon sa mundo!


0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page