ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | November 4, 2020
Salaminin natin ang panaginip ni Dholie na ipinadala sa Facebook Messenger.
Dear Professor,
Namimitas ako ng talbos ng kamote dahil iuulam namin. Habang namimitas ako, naririnig kong umaawit ang mga ibon, tapos nilingon ko kung saan sila nakadapo. Nakita ko na mayroong nasa puno at ‘yung iba nasa kable ng kuryente sa kalsada.
Muli akong kumuha ng talbos, pero laking gulat ko dahil may nakita akong mga itlog na kasing liit ng itlog ng pugo. Inuwi ko ‘yung itlog sa bahay at isinama ko sa ulam namin. Ano ang ibig sabihin ng panaginip ko?
Naghihintay,
Dholie
Sa iyo, Dholie,
Ang namimitas sa panaginip ay nagbabalitang may aanihin na magandang kapalaran. Kaya isa sa magagandang bagay na mapanaginipan ang namimitas.
Ang namimitas naman ng gulay sa panaginip ay nagbabalitang lumalakas, lumulusog at ligtas sa anumang karamdaman ang nanaginip, at kung siya ay nagkataong may sakit, sinasabi ng kanyang panaginip na siya ay gagaling na.
Ang umaawit na mga ibon ay isa rin sa magandang mapanaginipan dahil ang ibig sabihin nito ay payag ang langit sa mga pangarap na gustong makamit ng nanaginip.
At higit sa lahat, kapag ang itlog ay nakita sa panaginip, ibig sabihin, susuwertehin sa anumang klase ng pakikipagsapalaran ang nanaginip.
Sa kabuuan, ang panaginip mo ay nagsasabing gaganda na ang iyong buhay. At dahil ang lulutuin mong ulam ay para sa inyo o sa buong pamilya mo, ibig sabihin, kabilang sila sa magkakaroon ng magandang kapalaran.
Hanggang sa muli,
Professor Seigusmundo del Mundo
Comments