nagka-Pneumonia, nag-nose bleed at nagsuka ng dugo bago namatay sa bakuna
ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | December 17, 2021
Nagsampa ng dagdag na magkakahiwalay na 16 kaso sibil ang 16 magulang ng mga namatay na biktima noong Miyerkules sa Quezon City Regional Trial Court. Kaugnay nito, may 66 para sa patay at 2 survivors ang naunang isinampa sa tulong ng Special Panel of Public Attorneys.
Sa tinaguriang Dengvaxia cases na hawak ng aming Tanggapan, may mga magulang na hindi na natapos sa pag-aalala sa maaaring sapitin ng kanilang mga anak. Tila isang mahabang kalbaryo ang tinatahak nila habang pasan sa kanilang mga balikat ang bigat ng pagdurusa sa namatay nilang anak na naturukan ng Dengvaxia, ganundin ang pagkabahala sa maaaring sapitin na trahedya ng iba pa nilang mga anak na vaccinees.
Ganito ang pinagdaraanan nina G. Angelito Amiel R. Panugan, Sr. at Gng. Anecita R. Cristobal ng Las Piñas City, mga magulang ng yumaong si Angelito Amiel Panugan, Jr. at nina Rhinjay at Christine Joy Panugan. Tatlong anak kasi nila ang naturukan ng Dengvaxia at isa rito ay yumao na.
Si Angelito Amiel, 16, ay binawian ng buhay noong Setyembre 21, 2018. Siya ang ika-93 sa mga naturukan ng Dengvaxia na nakaranas ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga at pagdurugo ng utak), and increase in severity of dengue disease) na sumasang-ayon sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected Risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015} — na sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos na hilingin ng kanilang mga pamilya. Narito ang bahagi ng salaysay nina G. at Gng. Panugan hinggil sa pagkakabakuna kay Angelito Amiel at dalawa pa nilang mga anak:
“Si Angelito ay naturukan ng bakuna kontra dengue noong Agosto 2017 sa klinika ng kanyang paaralan. Ang nasabing pagtuturok ay nasaksihan ng aming anak na si Rhinjay C. Panugan ay isang beses naturukan ng Dengvaxia sa klinika ng kanyang paaralan.
Ang isa pa naming anak na si Christine Joy Panugan ay tatlong beses naturukan ng nasabing bakuna.”
Nagsimula ang pagbabago sa kalusugan ng dati ay masayahin, masigla at malusog na si Angelito Amiel noong Hunyo 19, 2018. Galing siya noon sa simbahan nang magreklamo siya ng pananakit ng ulo at hindi na rin siya makalakad dahil masakit ang kanyang mga paa. Siya ay nagreklamo rin ng hirap sa paghinga. Dahil dito, isinugod siya ng kanyang mga magulang sa isang ospital sa Las Piñas City at nakita na mataas ang creatinine level niya kaya siya ay isinailalim sa emergency dialysis. Siya ay na-confine hanggang Hunyo 21, 2018. Sa mga araw na ‘yun ay nanghina, nagkalagnat at nagsusuka siya. Patuloy din niyang inirereklamo ang pananakit ng kanyang kaliwang paa.
Makalipas ang ilang panahon, dahil nabunot ang catheter para sa dialysis na nakakabit sa leeg ni Angelito Amiel, siya ay ibinalik sa pinagdalhang ospital sa kanya sa Las Piñas City. Hindi pa rin siya makatayo, siya ay nagkalagnat, nagreklamo ng pananakit ng kanyang tagiliran at nagsusuka.
Nawalan din siya ng ganang kumain. Bago ang sana’y paglabas ni Angelito Amiel ng ospital ay nagka-pneumonia siya, kaya hindi ito natuloy. Hirap din siyang makahinga kaya kinabitan siya ng oxygen. Matapos humupa ng kanyang lagnat, siya ay nakalabas din ng ospital. Sa mga sumunod na linggo ay patuloy pa rin ang dialysis niya na ginagawa ng dalawang beses kada linggo.
Pagdating ng Setyembre 2018, lumubha ang kalagayan ni Angelito Amiel hanggang sa bawian siya ng buhay. Narito ang kaugnay na mga detalye:
Setyembre 17 - Hindi na naman siya makalakad. Muling lumabas ang dugo sa ilong at bibig niya.
Setyembre 19-21 - Nagsuka siya ng dugo, kaya muli siyang dinala sa ospital sa Las Piñas City. Hirap siyang huminga at nagreklamo na mainit ang kanyang pakiramdam.
Hindi bumuti ang kanyang kalusugan sa mga sumunod na araw. Hindi rin tumitigil ang pagdurugo ng kanyang ilong at pagsusuka ng dugo at palagi niyang inirereklamo ang pananakit ng kanyang kaliwang paa.
Setyembre 21 - Alas-12:30 ng tanghali, nawalan siya ng boses. Tumirik din ang kanyang mga mata at naghabol siya ng paghinga. Nag-agaw buhay siya at sinubukang i-revive ng mga doktor, subalit pagsapit ng ala-1:00 ng hapon ay tuluyan siyang pumanaw.
Anang mag-asawang Panugan:
“Napakasakit para sa aming mag-asawa ng biglaang pagpanaw ni Angelito Amiel. Isang masigla at malusog na bata ang aming anak, kaya nakapagtataka na matapos niyang maturukan ng Dengvaxia — na dapat ay magbibigay sa kanya ng proteksiyon— biglang nagbago ang estado ng kanyang kalusugan. Hindi namin akalain na ito ang magiging ugat ng kanyang maagang kamatayan. Dengvaxia vaccine lamang ang kakaibang gamot na itinurok sa aming anak bago siya dapuan ng sakit na kumitil ng kanyang buhay sa murang edad.”
Idinulog ng mag-asawang Panugan ang kaso ni Angelito Amiel sa aming tanggapan.
Bagama’t natapos na ang forensic services na hiniling nila at naisagawa na ng PAO Forensic Team, tuluy-tuloy pa rin ang serbisyong legal na ibinibigay ng inyong lingkod at kasamang mga abogado sa kaso ni Angelito Amiel. Hindi lamang ang alalahanin sa isang anghel na ito ang nagpapahirap sa kalooban nila G. at Gng. Panugan. Anila:
“Sa ngayon ay iniisip pa namin ang dalawa pa naming anak na nabakunahan din ng parehong bakuna. Sa araw-araw na dumaraan na nakakaramdam ng pagkahilo ang aming dalawa pang anak, nababahala kami na maaaring mangyari muli sa kanila ang nangyari kay Angelito Amiel. Lubha itong nagdudulot sa amin ng alalahanin.”
Para sa tatlong mga anghel na nabanggit ang laban ng aming Tanggapan na pangkatarungan para sa pamilya Panugan!
Comentarios