Pamilya ng 18-anyos na namatay sa Dengvaxia, todo-alala para sa isa pang anak na nabakunahan din
ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | February 12, 2021
Hindi maintindihan ng mag-asawang Pedro at Maribeth Mainit kung bakit sinabihan sila noon ng doktor sa ospital na pinagdalhan sa anak nilang si Micaella Kayla Mainit na mag-aaway sila nito kung babanggitin nila sa kanya ang Dengvaxia. Sa kasamaang-palad ay wala na sa buhay na ito si Micaella Kayla, ngunit ang sinabing ‘yun ng naturang doktor ay nagbibigay pa rin ng alalahanin sa kanila. Hindi lamang dahil may kaugnayan ang pangyayaring ‘yun ang pagkakasakit at pagkamatay ni Micaella Kayla, kundi ito ay nagdudulot din sa kanila ng pagkabalisa tungkol sa pagkakaturok din sa isa pang anak nila na si Kenneth ng nasabing bakuna. Anila, baka magaya si Kenneth sa naging kapalaran ng kanyang nakatatandang kapatid.
Si Micaella Kayla ay 18-anyos nang namatay noong Abril 28, 2018. Siya ang ika-51 sa mga naturukan ng Dengvaxia, at nakaranas bago namatay ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga, at pagdurugo ng utak), and increase in severity of dengue disease) consistent sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected Risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015} — na sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos na hilingin ng kanilang mga pamilya. Siya ay naturukan ng Dengvaxia noong Setyembre 6, 2017 sa kanilang eskuwelahan sa Makati. Ang kanyang mga magulang ay pumayag na maturukan si Micaella Kayla at Kenneth ng Dengvaxia dahil sinabihan sila na ang nabanggit na bakuna ay makabubuti sa kanya. Ani G. at Gng. Mainit, “Bilang mga magulang na walang ibang hangad kundi ang mapabuti ang kalagayan ng kanilang mga anak, pinabakunahan namin sina Micaella Kayla at Kenneth ng nasabing libreng bakuna mula sa Department of Health (DOH).”
Noong unang linggo ng Oktubre 2017 ay nag-umpisa nang mawalan ng ganang kumain si Micaella Kayla. Siya rin ay tumamlay at nangayayat. Bihira na rin siyang lumabas ng bahay dahil palagi siyang natutulog at noong unang linggo ng Disyembre 2017, nakaranas siya ng pananakit ng kasu-kasuan, ulo at tiyan at pagdudumi, gayundin, siy ay nagsusuka. Noong pangalawang linggo ng Disyembre 2017, inereklamo ni Micaella Kayla na naduduling diumano siya at nasisilaw ang kanyang mga mata sa liwanag. Nagkaroon din siya ng lagnat at nagreklamo ng pananakit ng ulo. Dahil dito, siya ay pinatingnan sa isang ophthalmologist sa pag-aakalang sakit sa mata ang problema niya. Siya ay sinukatan at binigyan ng salamin, subalit hindi bumuti ang kanyang kalagayan, sa halip ay hindi naibsan ang reklamo niyang pagkahilo at pagsusuka. Pinainom siya ng paracetamol, pero hindi bumuti ang kanyang kalagayan. Noong huling linggo ng Disyembre 2017, naging pabalik-balik ang lagnat ni Micaella Kayla at hindi rin nakatulong ang pag-inom ng paracetamol. Pagdating ng 2018, lumala ang kanyang karamdaman na humantong sa kanyang kamatayan. Narito ang ilan sa mga detalye ng kaniyang mga naranasan sa iba’t ibang petsa ng Enero at Abril 2018:
Enero 23, 2018 - Nag-seizure siya. Mataas ang lagnat niya at nagreklamo siya ng pananakit sa kasu-kasuan. Namamaga rin ang paligid ng kanyang mga mata, kaya agad siyang isinugod sa isang ospital sa Maynila. Isinailalim siya sa iba’t ibang mga pagsusuri at ayon sa mga doktor ay may Lupus siya at sinalinan siya ng dugo. Nanatili siya sa nasabing ospital hanggang Pebrero 10, 2018. Pagkatapos ay na-discharge siya, samantalang niresetahan siya ng mga gamot habang siya ay nagpapalakas sa kanilang bahay.
Abril 11, 2018 - Nagka-seizure ulit siya, nangisay at tila wala sa sarili, mataas din ang lagnat niya, kaya agad siyang isinugod ulit sa pinagdalhang ospital sa kanya sa Maynila. Tumaas ang blood pressure niya at nagreklamo siya ng pananakit ng tiyan at pag-ubo.
Abril 17, 2018 - Dinala si Micaella Kayla sa ICU ng ospital para maprotektahan at maiwasang mahawa sa sakit ng iba. Nang gabing ‘yun, nagreklamo siya ng pananakit at pamamanhid sa ibabang bahagi ng kanyang katawan. Nag-umpisa ring mamaga ang kanyang dalawang paa.
Abril 18, 2018 - Nagreklamo siya ng sobrang pananakit ng ulo at tiyan. Mga ilang sandali lamang ay na-comatose na siya. Nang araw na ‘yun ay in-intubate siya.
Abril 19, 2018 - Isinailalim siya sa CT scan; nakitaan ng pagdurugo ang ulo ni Micaella Kayla at hindi na siya muling nagising. Sinabihan ang kanyang mga magulang na susubukan siyang pagalingin sa pamamagitan ng pag-inom ng gamot dahil hindi diumano niya kakayanin kung ooperahan siya.
Abril 28, 2018 - Tuluyan nang pumanaw si Micaella Kayla.
Sa pagpanaw ng kanilang anak, narito ang bahagi ng mga saloobin ng kaniyang mga magulang,
“Maayos ang kalusugan ni Micaella Kayla bago siya maturukan ng nasabing bakuna kontra dengue. Malusog siya at walang idinaraing na sakit sa kanyang katawan magmula nang bata siya. Kung mayroon man siyang karamdaman ay pangkaraniwang ubo at sipon lamang. Kaya para sa amin, hindi kami naniniwalang magkakaroon siya ng mabigat na karamdaman.
“Maraming magagandang pangarap sa buhay ang aming anak, kaya labis ang aming pagdadalamhati sa kanyang biglaang pagkawala. Dahil hindi kami naniniwalang namatay ang aming anak sa sakit na sinasabi ng mga doktor, humingi kami ng tulong sa opisina ng Public Attorney’s Office (PAO). Nais ko ring banggitin na hindi pa nagkakaroon ng dengue si Micaella Kayla bago siya maturukan ng Dengvaxia at walang ibang kakaiba o bagong gamot o kemikal na pumasok sa katawan niya kundi ang Dengvaxia.”
Noong nabubuhay pa si Micaella Kayla, kasama siya ng kanyang mga magulang sa pangangarap na makaahon sila sa kahirapan. Ngayon, kasama kami ng kanyang mga magulang sa kanilang laban sa pagtatamo ng hustisya para sa kanya.
Comments