top of page
Search
BULGAR

Namatay na ang isa, delikado pa ang tatlo...

Pamilya ng 16-anyos na namatay sa Dengvaxia, takot para sa 3 anak na naturukan din ng bakuna

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | October 2, 2020


Labis ang pag-aalala ng mga magulang kapag nalalagay sa peligro ang kanilang anak. Paano na kaya sila kung hindi lamang isa o dalawa kundi tatlo nilang mga anak ang nanganganib ang buhay, at ang isa pa nilang anak ay pumanaw na? Hindi nila maiwasang labis na mangamba sa nanganganib nilang mga anak lalo pa’t ang mga ito ay nasa parehong sitwasyon ng pumanaw nilang anak. Nasa ganitong kalagayan sina G. Antonio at Gng. Rosalinda Castroverde, na mga magulang nina Andrea, Angeline at Anne Rose, at ng yumaong si Adeline B. Castroverde.


Si Adeline ay naturukan ng Dengvaxia sa isang barangay health center sa Valenzuela City noong Oktubre 30, 2017. Kasamang naturukan ang tatlo niyang mga kapatid na sina Andrea, Angeline at Anne Rose. Sina Andrea at Angeline ay parehong nabakunahan ng isang beses sa nabanggit na health center, habang si Anne Rose naman ay nabakunahan ng tatlong beses sa kanilang paaralan sa nasabing lungsod.

Si Adeline ay 16-anyos nang namatay noong Marso 4, 2018. Siya ang ika-34 sa mga naturukan ng Dengvaxia at nakaranas bago namatay ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga at pagdurugo ng utak), and increase in severity of dengue disease) consistent sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015} — na sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos hilingin ng kanilang mga pamilya.

Noong Pebrero 12, 2018, nag-umpisang dumaing ng pananakit ng tiyan si Adeline at nagreklamo siya na basa ang kanyang dumi. Matapos siyang mabigyan ng gamot ng kanyang mga magulang, tumigil ang pagtatae niya, subalit siya ay kinabagan at muling sumakit ang tiyan. Napansin din ng kanyang mga magulang na tumitigas at lumalaki ang kanyang tiyan, kaya dinala siya sa isang medical center sa Valenzuela City noong Pebrero 25, 2018. Nakitang may pagbabara sa kanyang bituka at nilagyan siya ng aparato para mailabas ang dumi galing sa bituka at catheter dahil hirap siya sa pag-ihi. Kinaumagahan, Pebrero 26, isinailalim siya sa iba’t ibang pagsusuri at nakitang ruptured ang kanyang appendix. Noong Pebrero 27, alas-10:00 ng gabi, inoperahan si Adeline upang bigyang-lunas ang kanyang appendicitis. Natapos ang nasabing operasyon ng alas-5:00 ng madaling-araw ng Pebrero 28, 2018. Nanatili si Adeline sa recovery room hanggang gabi ng nasabing araw.

Pagdating ng Marso, 2018, nagsimulang lumala ang kondisyon ni Adeline. Narito ang ilan sa mga kaugnay na detalye:


1. Marso 1, 2018 - Si Adeline ay nasa ward ng isang ospital at nag-umpisang magkalagnat. Nagpatuloy ang kanyang lagnat sa mga sumunod na araw. Sabi ng doktor, natural lamang ito dahil sa mga gamot na ginamit sa operasyon niya. Namanas din ang buo niyang katawan at ayon pa rin sa doktor, ang pamamanas ay dahil sa operasyon.

2. Marso 2 - 4, 2018 - Hindi nagbago ang kalagayan ni Adeline. Patuloy ang reklamo niya na masakit ang kanyang tiyan. Muling sinuri ang kanyang mga sugat; nakitang nagtubig ang kanyang tiyan at may lumabas na itim na likido sa kanyang tagiliran kung saan naroon ang drain hose na inilagay sa kanya nang siya ay operahan. Dahil sa itim na likido na lumabas, nagsabi ang doktor na muling operahan si Adeline, na isinagawa nang araw din na ‘yun. Pagkatapos ng pangalawang operasyon, dinala siya sa Intensive Care Unit (ICU) dahil humina ang kanyang vital signs. Hindi na bumuti ang kalagayan ni Adeline at nanatili na siya sa ICU hanggang sa siya ay binawian ng buhay noong Marso 4, 2018.

Narito ang naging saloobin ng mag-asawang Castroverde sa pagkamatay ng kanilang mahal na si Adeline:


“Maayos ang kalusugan ni Adeline bago siya maturukan ng nasabing bakuna kontra dengue. Wala naman siyang naging matinding karamdaman bago mabakunahan ng Dengvaxia, kaya labis naming ikinabigla ang biglaang pagkawala niya kaya kami ay humingi ng tulong kay Atty. Persida V. Rueda-Acosta upang isailalim sa Forensic Examination ang katawan ni Adeline para malaman namin ang naging sanhi ng kamatayan niya.


“Naging pabaya ang mga taong gumawa ng pagbabakuna ng Dengvaxia na ito. Kung hindi nabakunahan ang aming anak, nabubuhay pa sana siya ngayon. Kinakailangan nilang managot sa naging kapabayaan nila dahil tatlo pang anak namin ang nabakunahan din na ipinangangamba naming matulad sa kanilang Ate Adeline.


Aming hinihiling na masampahan ng kaukulang kasong sibil, kriminal at administratibo ang mga taong responsable sa pagkamatay ng aming anak.”

Ang trahedyang pinagdadaanan ng pamilya Castroverde ay sumasalamin sa nararanasan ng iba pang pamilya na may mga anak na kapwa biktimang namatay at survivor-vaccinees na may kaugnayan sa pagkakabakuna sa kanila ng Dengvaxia. Kaya masasabing ang laban para sa mga yumao ay laban din para sa mga buhay na patuloy na nagbabantay sa kanilang kalusugan dahil sa nakaambang panganib na nasaksihan nilang sinapit ng mga katulad nilang biktima.

Ang aming tanggapan, ang inyong lingkod at PAO Forensic Team ay patuloy na ginagawa ang lahat ng aming makakaya na naaayon sa aming mandato, upang ang katarungang makamit namin para sa mga yumao ay maging daan din upang ang survivor-vaccinees ay magkaroon ng buhay na may kapanatagan dahil sa pagkilala at pagbibigay-suporta sa karapatan nilang mapangalagaan ang kanilang kalusugan. Ang konkretong pagsasagawa nito ay ang patuloy na pag-alalay sa kanila ng mga awtoridad sa pamamagitan ng libreng mga bitamina at pampatibay ng kanilang resistensya, ganundin ng kagyat at angkop na tulong-medikal sa oras ng kanilang pangangailangan. Sa ngayon, ang mga ito ay maaaring pangarap lamang o suntok sa buwan, gayunman, amin pa ring pagsisikapang makamtan.

0 comments

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page