top of page
Search
BULGAR

Namaga ang puso 1-anyos patay sa COVID-19


ni Lolet Abania | August 11, 2021



Labis ang pagdadalamhati ng isang Pinay na ina matapos na ang kanyang 1-anyos na anak na lalaki ay nasawi dahil sa COVID-19 sa Dubai.


Sa lumabas na ulat ngayong Miyerkules, ayon kay Roxy Sibug, ang nag-iisa niyang anak na si Luther Ezekiel ay namatay ilang araw lamang matapos makitaan ng sintomas na katulad ng isang regular na lagnat.


Nang tumaas ang temperature nito ng 39°C, agad na ipina-test sa COVID-19 ng mag-asawang nakabase sa Dubai ang anak na si Luther, lalo na ang ama nito na isang linggo bago pa ay nakaranas ng lagnat at sakit ng ulo. Tulad ng kanilang kinatatakutan, nagpositibo ang resulta ng test sa bata.


Nakitaan naman umano ng improvement si Luther nang bigyan ng mga gamot at vitamins sa isang clinic, subalit nagsimula itong makaramdam ng panghihina at namamaga ang mga mata matapos ang 2 araw. Gayunman, tiniyak naman sa mga magulang ng bata ng mga health workers sa ospital na “nothing's wrong” sa pasyente.


“We brought him to a hospital, where he had a blood test. His temperature was taken, a urine sample was taken -- they didn’t see anything wrong. They told us: ‘Mommy, your son is completely okay. There’s nothing wrong with your baby, so you can go home,’” pahayag ni Roxy.


Subalit, lalong lumala ang naging lagay ni Luther, kaya ibinalik ng mag-asawa ang anak sa ospital. Doon na nabatid ng mag-asawa na ang puso ng kanilang anak ay namamaga na dahil sa COVID-19. “Noong chineck ‘yung heart niya, nalaman na namamaga ‘yung heart niya dahil sa COVID-19,” sabi ni Roxy habang naiiyak. “Kahit na bawal ang ginagawa ko, kumukuha ako ng kumot, tapos ayaw nilang pakumutan ang anak ko,” dagdag niya.


“Walang damit ‘yung anak ko, puro apparatus. Sabi ko, 'Hindi!' Inilalagay ko siya rito sa chest ko… kasi alam ko, kailangan, gustung-gusto niyang matulog, eh.” Matapos si Luther na i-intubate ay umuwi ng bahay sina Roxy at kanyang mister, kung saan ilang oras lamang ang nakalipas, ipinaalam sa kanila na ang blood pressure ng anak ay bumababa na.


Sinubukan pa rin ng mga doktor na i-revive si Luther, subalit tuluyan nang namatay ang bata. “Imbes na kasama namin siya sa huling sandali niya rito sa mundo, hindi namin siya kasama,” sabi ni Roxy.


“Nasa morgue siya, naninigas siya doon, nilalamig siya roon. Wala siyang kumot doon, wala kaming magawa,” dagdag ni Roxy. Ayon pa kay Roxy, hindi nila mabigyan ng maayos na wake si Luther, dahil siya mismo ay nagpositibo na rin sa COVID-19 at kinailangang mag-isolate sa bahay.


Paalala naman ni Roxy sa mga nakakaramdam ng sintomas na magpa-test agad sa COVID-19, hindi lang para sa sarili kundi para na rin sa mga mahal sa buhay. “If you're feeling any of the symptoms, even just a light fever, have yourself tested, please,” sabi ni Roxy. “Gastusan n'yo. Mas magandang gumastos na lang kayo sa magkanong halaga, kaysa sa mawala 'yung mga mahal n'yo sa buhay,” ani pa niya.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page