ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | December 21, 2020
Salaminin natin ang panaginip ni Eva na ipinadala sa Facebook Messenger.
Dear Professor,
Napanaginipan ko na naliligo ako sa ulan. Tuwang-tuwa ako at kahit tinatawag ako ng nanay ko, hindi ko siya pinapansin at hindi ko pinakinggan dahil ayon sa panaginip ko, nasasarapan ako sa paliligo sa ulan.
Ano ang koneksiyon nito sa buhay ko at kung mayroon, ano ang ibig sabihin ng panaginip na naliligo sa ulan?
Naghihintay,
Eva
Sa iyo, Eva,
Simple lang naman ang pag-aanalisa ng mga panaginip. Kung ano ang iyong napanaginipan, ‘yun mismo ang kailangan mo sa buhay.
Sa ganitong katotohanan, ayon sa iyong panaginip, Eva, ang kailangan mo ay saya at ligaya. Kaya hindi mo man aminin ngayon, ang iyong buhay ay malungkot, kumbaga, lonely ka.
Pero ang tanong, saan o ano ba iyong ikinalulungot? Problema ba sa pamilya? Ang sagot ay hindi? Sa work, may problema ka ba? Ang sagot, hindi rin. Pera ba ang iyong problema? Ang sagot ay hindi pa rin.
Saan? Saan pa nga ba kundi sa love life dahil ang naliligo sa panaginip ay nagpapahiwatig na ang nanaginip ay hindi masaya sa kanyang buhay pag-ibig. Ang totoo nga, mas malamang pa nito na zero ang iyong love life ngayon, kaya ang payo, pag-aralan mong magmahal.
Puwede ring may love life ka ngayon, kaya lang, ganundin, masasabing para kang walang saya at ligaya dahil sa iba’t ibang kadahilanan. Una, malayo sa iyo ang karelasyon mo, kaya pangungulila ang kapiling mo ngayon.
Puwede rin na wala sa malayo ang karelasyon mo, kaya lang, sa takbo ng love life n’yo, parang wala ka rin namang karelasyon.
Puwede ring nagsasawa ka na sa paulit-ulit na nangyayari sa inyo araw-araw, kaya nagsasawa ka na sa relasyon n’yo. Puwede ring palagi kayong nakararanas ng hindi pagkakaunawaan kung saan iniisip mo na parang hindi na magbabago ang ganitong sitwasyon n’yo.
Pag-aralan mo ang takbo ng iyong love life dahil baka sakaling maayos pa ang mga problema. Pero kung sakaling sa kabila ng pagtatangka mong bumuti ang inyong relasyon, wala ka rin namang magagawa kundi tanggapin ang isa pang katotohanan mula sa panaginip kung saan ang nanaginip na naliligo ay nagbabalitang, siya ay magkakaroon ng bagong love life. At sa pag-ibig na ito, may oportunidad siyang matikman ang tunay na ligaya.
Ibig sabihin, puwedeng isaalang-alang ang opsyon na magpalit ka na ng karelasyon, dahil ang isa pang katotohanan, hindi puwede sa isang tao ang masyadong matagal nabubuhay sa kalungkutan.
Hanggang sa muli,
Professor Seigusmundo del Mundo
Comentarios