top of page
Search
BULGAR

Nalaman lang nang nakaburol na...

magulang ng 12-anyos na namatay sa Dengvaxia, ‘di alam na naturukan sa iskul ang anak

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | July 31, 2020


Kapag may activities sa eskuwelahan, tulad halimbawa ng field trip, ang mga menor-de-edad na estudyante ay karaniwan nang hinihingan ng permit na nilagdaan ng kanilang mga magulang o guardian upang sila ay makasama sa nasabing aktibidad. Kaya naman ay nakabibigla na sa isang sensitibong pagbabakuna na isinagawa sa paaralan ni Darylle Sagun sa Cavite, ang kanyang mga magulang na sina G. Ariel at Gng. Imelda Sagun ay hindi naabisuhan. Ang ganitong pangyayari ay ilang ulit na naming narinig sa mga kasong may kaugnayan sa Dengvaxia, ngunit hindi pa rin nawawala ang aming pagkagitla rito. At hindi na kaila sa atin ang dahilan – ang kawalan ng respeto ng mga kinauukulan sa mga magulang na dapat ay nasabihan ay nauwi sa kawalan ng respeto sa kaligtasan ng mga naturang estudyanteng naturukan na nauwi naman sa kamatayan.


Si Darylle ay 12-anyos nang namatay noong Pebrero 14, 2018. Siya ang ika-25 sa mga naturukan ng Dengvaxia at nakaranas bago siya namatay ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga, at pagdurugo ng utak) and increase in severity of dengue disease) consistent sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015} — na sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos na hilingin ng kanilang mga pamilya.

Siya ay tatlong (3) beses na naturukan ng Dengvaxia. Ang nasabing pagbabakuna ay nasaksihan ng dalawa niyang mga kaklase na tawagin na lang natin sa mga pangalang “Nathan” at “Danny” sa magkakahiwalay na pagkakataon. Sina “Nathan” at “Danny” ay naturukan din ng nasabing bakuna. Base sa kanilang pinagsamang salaysay, unang naturukan si Darylle noong Abril 19, 2016, pangalawa noong Nobyembre 25, 2016 at panghuli noong Hunyo 27, 2017.

Ang mga pagbabakunang ‘yun kay Darylle ay lingid sa kaalaman ng kanyang mga magulang. Anila:


“Nito lamang February 17, 2018 nang malaman namin sa mga kamag-aral ni Darylle nang dalawin nila sa kanyang burol na ang aming anak ay naturukan nga ng bakuna kontra dengue. Kami ay sobrang nagulat sa aming nalaman.


“Hindi man lang kami naabisuhan nang bakunahan nila ng Dengvaxia si Darylle. Wala kaming kamalay-malay na kasama pala siya sa napakaraming bata na tinurukan nila ng nakamamatay na bakuna.”

Simula Enero 10, 2018 hanggang Pebrero 14, 2018 ang mga panahon ng kalbaryo sa buhay ni Darylle, na humantong sa kanyang pagpanaw. Narito ang ilan sa mga detalye ng mga dinanas ni Darylle:


1. Enero 10, 2018 - Nag-umpisang mawalan ng ganang kumain at mangayayat si Darylle. Naging matamlay na rin siya magmula noon. Hindi na siya palatanong at palakuwento gaya ng dati.

2. Pebrero 11, 2018 - Nag-umpisa siyang magreklamo ng pananakit ng ulo. Pinainom siya ng kanyang mga magulang ng Paracetamol, subalit nagpatuloy pa rin ang pananakit nito at nakahiga lamang siya.

3. Pebrero 12, 2018 - Nag-umpisang mamaga ang kanyang mga mata. Hindi rin siya mapakali sa kanyang higaan at ayaw magpahawak. Hindi rin nawala ang pananakit ng kanyang ulo. Kamot siya nang kamot sa kanyang katawan. Kung anu-ano ang sinasabi niya na parang hindi niya maintindihan kung ano ang nangyayari. Pinainom pa rin siya ng Paracetamol at sinusubukan din siyang kuwentuhan at pasiglahin, subalit walang naging pagbabago sa kanya. Akala ng kanyang mga magulang ay nanuno si Darylle kaya inobserbahan nila ito.

4. Pebrero 13, 2018 - Tumaas ang kanyang lagnat at patuloy pa rin ang pananakit ng kanyang ulo. Mas lumala ang pamamaga ng paligid ng kanyang mga mata na umabot sa noo at bibig. Wala ring nagbago sa pagiging matamlay ng kanyang katawan. Tila naiirita siya at hindi mapakali. Unti-unti na rin siyang nawalan ng paningin.

5. Pebrero 14, 2018 - Dinala si Darylle ng kanyang mga magulang sa albularyo. Nang hilutin siya ng albularyo, napansin nito na matigas ang tiyan niya at nagsilabasan ang pulang rashes sa kanyang katawan, mga kamay at paa. Sinabi ng albularyo na dalhin siya sa ospital dahil hindi niya rin maipaliwanag ang pamamaga ng mukha at paglaki ng tiyan ng bata. Sa isang ospital sa Las Piñas kung saan siya dinala, nag-umpisang mangitim ang rashes niya sa katawan. Siya ay pinaupo sa wheelchair subalit hindi na siya nagsalita. ‘Yun na pala ang hudyat ng kanyang pamamaalam sa buhay. Biglang nagbago at bumilis ang paghinga ni Darylle. Kinabitan siya ng oxygen at mga ilang ulit na binombahan sa kanyang dibdib. Sinubukan siyang i-revive hanggang sa sumapit ang ala-1:25 ng tanghali nang sabihin ng mga doktor na tuluyan na siyang pumanaw.

Tulad ng nabanggit na sa artikulong ito, ang mga magulang ni Darylle ay kapareho rin ng mga magulang ng maraming bata na naturukan ng Dengvaxia, na hindi nabigyan ng abiso tungkol sa nasabing pagbabakuna. Anila: “Labis ang sama ng loob namin dahil hindi kami binigyan ng pagkakataong malaman man lang na nabakunahan kontra dengue ang aming anak para sana ay nabantayan namin siya at nabigyan ng sapat na nutrisyon para mapanatili ang kanyang magandang kalusugan.” Upang maipaglaban ang trahedyang sinapit ni Darylle, lumapit sina G. at Gng. Sagun sa PAO, sa inyong lingkod at sa PAO Forensic Team. Kami ay patuloy na kasama ng pamilya Sagun sa kanilang laban.

Bagama’t si Darylle ay yumao na, sa alaala ng mga Sagun ay hindi mabubura ang larawan nito bilang malusog at masiglang bata bago siya maturukan ng nasabing bakuna. Ganundin ang gunita sa kanyang pagkahilig sa sports at kanyang mga pangarap sa buhay. Ang buhay niyang nasakripisyo – tulad ng sa iba ring mga biktima – ay hamon sa aming kakayahan at katatagan. Buong puso namin itong tinatanggap na mahalagang bahagi ng aming adbokasiyang pang-hustisya. Makamtan nawa natin ang hustisya – para sa kanila na patuloy ang pagdaing mula sa hukay.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page