top of page
Search
BULGAR

Nakulong, nakilala ang Diyos at nagbigay-serbisyo sa kapwa

ni Rikki Mathay - @Tips Pa More | January 25, 2022



Pinaka-artistahing lungsod daw sa bansa ay Quezon City dahil kung hindi mga artista ang tumatakbo sa pulitika, kilalang tao mula sa iba’t ibang industriya. Bilang kandidato sa pagka-konsehal sa ika-6 na distrito ng QC, nakita rin natin mismo kung bakit nabansagan tayong “City of the Stars” dahil mismong ang kasama natin sa kampanya bilang congressman ay walang iba, kundi ang sikat na personalidad na si Bingbong Crisologo.


Bukod sa kanyang mga hindi matawarang nagawa sa QC sa loob ng halos dalawang dekadang panunungkulan, mula pagiging konsehal hanggang maging 4 term congressman, i-‘Marites’ lang natin sa mga bagets pa, pero nagsimulang mabago ang tadhana ni Bingbong noong binaril ang kanyang tatay na isang congressman sa kanilang lugar noon – sa loob mismo ng simbahan sa Ilocos. Makalipas ang ilang taon, siya naman ay nahatulang makulong panghabambuhay dahil sa kasong arson.


Pero ‘eto ang nakaka-inspire sa istorya ng buhay niya, ang nabansagang bad boy ay naging preacher sa loob mismo ng Bilibid.


“Sa puntong iyon, nawalan na ako at akala ko tapos na ang buhay ko. Pero sa Bilibid, doon ko muling nakilala ang Panginoon. Kalauna’y natagpuan kong lumalakas ang aking pananampalataya sa araw-araw na nasa loob ako.”


Sa loob ng walong taon sa loob ng Bilibid, sinimulan niya ang pagpapalaganap ng salita ng Diyos at magbigay-pag-asa sa mga kakosa na dumadalo sa Bible studies at prayer meetings.


“Bisperas ng Bagong Taon – nagdasal ako at humingi ng sign kay Lord. Kung ako ay makalalabas bago sumapit ang hatinggabi, nangangahulugang nakatadhana akong maglingkod sa Kanya,” sabi niya.


Kinilabutan ako nang malaman kong nabigyan ng presidential pardon si Bingbong at nakalaya ng 11:55 pm ng Disyembre 31, 1980. Ewan ko na kung hindi pa ito ang hinihintay niyang “sign”.


At doon na nagsimula ang Loved Flock Catholic-Charismatic Community, kung saan siya ay mas kilala bilang Brother Bingbong. Sa dami nang natutulungan niya bilang ministro ng Charismatic community, naisip niyang mas marami siyang matutulungan kung may posisyon siya sa gobyerno.


“Noong tumakbo ako sa pagka-mayor noong 2019, nakita ko kung paano ang District 6 ay ang pinaka-kawawa sa lahat ng distrito sa QC. Akalain mo na mayroon pa ring maliliit na sapa na tinatawiran at mga kalsadang sa sobrang lubak-lubak at halos hindi madaanan?


Nais kong lumikha ng Congressional district office sa bawat barangay para maihatid ang ating serbisyo publiko diretso sa tao. Pakiramdam ko ay hindi pa ako tapos sa aking misyon bilang personal na panata ko sa Panginoon. Kung manalo ako, puwede kong ituloy ang aking mga pangarap na gawing progresibo ang Distrito 6. Kung matalo ako, sa wakas ay puwede na akong makapag-relax na kasama ang aking pamilya. Ngunit kung matatalo ako, ang mga taga-Distrito 6 ang tunay na matatalo dahil mawawalang sila ng pagkakataong makaranas ng serbisyong Crisologo na napatunayan na natin sa Distrito 1,” dagdag ni Bingbong.


At ang tip niya sa mga may pinagdaraanang unos sa kanilang buhay, “Huwag kayong mawawalan ng pag-asa. Totoong God works in mysterious ways at may mga hindi man tayo maintindihan sa ngayon, kung bakit natin pinagdaraanan ang isang bagay, may plano ang Panginoon.”

0 comments

Kommentare


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page