top of page
Search

Nakulong, nadala na… SEN. BONG, MAY PHOBIA NA SA PAGTAKBO SA MATAAS NA POSISYON

BULGAR

ni Vinia Vivar @Frankly Speaking | February 9, 2024



Malaki ang pasasalamat ni Sen. Bong Revilla sa GMA-7 na talagang naglaan daw ng malaking budget at hindi tinipid ang Season 2 ng Walang Matigas na Pulis sa Matinik na Misis.


Sa pilot episode pa lang na napanood last Sunday, February 4, ay apat na kotse agad ang pinasabog at talagang parang pelikula sa laki ang mga eksena.


“Nagpapasalamat ako sa GMA sa all-out support nila at ipinakita naman talaga na dito sa episode 1 ng Season 2, talagang punumpuno ng aksiyon,” sey ni Sen. Bong sa lunch tsikahan with the entertainment press nu'ng Miyerkules.


Ayon pa sa senador, ang nasabing action-comedy weekend series ang huli niyang serye for this year dahil magpo-focus naman siya sa paggawa ng pelikula.


Nabanggit na ni Sen. Bong kamakailan ang interes niya na sumali sa Metro Manila Film Festival this year at kasalukuyan na nga itong pinaplano. Nasa planning stage na rin ang isang napakalaking pelikulang pagsasamahan nila nina Coco Martin, Sen. Robin Padilla and Sen. Lito Lapid. Bukod pa rito ang reunion project nila ni Sharon Cuneta at may movie rin siya with Jillian Ward.


Hindi pa masabi ni Sen. Bong kung alin dito sa mga naka-line-up na pelikula ang pang-MMFF at kasalukuyan pa nga raw pinag-uusapan.


Basta ang sinigurado niya, kapag natuloy ang pagsasama nilang apat nina Coco, Lito and Robin ay tiyak na napakalaking pelikula nito at siyempre, pati ang budget ay malaki.


Ang Imus Productions ng Revilla family ang magpo-produce raw nito.


Pagdating naman sa politics, may mga espekulasyon na naman na baka tumakbo siya sa higher position sa susunod na eleksiyon, pero ngayon pa lang ay tinuldukan na ni Sen. Bong ang tsismis na ito.


Totoong tatakbo siya pero bilang re-electionist pa rin at wala raw siyang anumang balak na kumandidato pa sa mas mataas na posisyon.


“Ayoko na, may phobia na ‘ko diyan,” aniyang natatawa. “'Yan ang dahilan (kung bakit ako nakulong),” sambit pa niya.


Samantala, dahil nalalapit na rin ang Valentines’ Day, tinanong namin si Sen sa kanyang plans sa Araw ng mga Puso at sabi niya ay magiging family affair ito dahil magsasama-sama silang lahat on that day.


“Mayroon nang inihahanda ang aking maybahay, si Lani (Mercado) with the whole family, doon kami. ‘Yung mga kapatid ko, ‘yung mga anak ko, mga asa-asawa nila, sama-sama kami sa bahay lang. Mag-iihaw-ihaw kami ru'n,” saad niya.


Samantala, napapanood ang Walang Matigas na Pulis sa Matinik na Misis every Sunday at ayon nga kay Sen. Bong, sa bawat episode ay may pasabog na mapapanood, plus marami pa raw artistang papasok sa serye kaya abangan.

 


0 comments

Comentarios


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page